Pauwi Na Sa Langit
Walang Pagkamakasarili, Agosto 11
Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba. Juan 3:30. PnL
Sa pagtingin ni Juan na may pananampalataya sa Manunubos, ay napaangat siya sa tugatog ng pagtanggi sa sarili. Hindi niya sinikap na siya ang tanghalin ng mga tao, kundi iniangat niya ang kanilang isip nang pataas nang pataas, hanggang sa sila’y humantong sa Kordero ng Diyos. Siya nga ay isang abang tinig lamang, isang tinig na sumisigaw sa ilang. Ngayon ay ikinagagalak niyang tanggapin ang siya’y manahimik at malimutan ng mga tao, upang mapabaling ang paningin ng lahat sa Ilaw ng buhay. PnL
Yaong mga tapat sa pagkatawag sa kanila na maging mga tagapagbalita ng Diyos, ay hindi maghahangad na sila ang maparangalan. Ang pag-ibig sa sarili ay lalagumin ng pag-ibig kay Cristo. Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi madudungisan ng diwang pag-aagawan. Kikilalanin nilang ang gawain nila ay ang magtanyag ng pabalita, gaya ng ginawa ni Juan Bautista, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29.) Kanilang ibubunyi si Jesus, at kasama niyang mabubunyi ang sangkatauhan. “Ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walanghanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako’y tumatahan sa mataas at banal na dako, na kasama rin niya na may pagsisisi at mapagpakumbabang diwa, upang bumuhay ng diwa ng mapagpakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi” (Isaias 57:15.) PnL
Ang kaluluwa ng propeta, palibhasa ay walang pagkamakasarili, ay nalipos ng liwanag ng Diyos. Nang patotohanan niya ang kaluwalhatian ng Tagapagligtas, ang kanyang mga salita ay halos kahawig na kahawig ng mga salitang sinabi mismo ni Cristo nang nakipagpanayam Siya kay Nicodemo. Sinabi ni Juan, “Ang nanggaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat. . . . Sapagka’t ang sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos: sapagka’t hindi ibinibigay ng Diyos ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.” Ang sinabi ni Cristo ay, “Hindi Ko pinaghahanap ang Aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa Akin” (Juan 5:30.) Sa Kanya ay ipinahahayag, “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan.” (Hebreo 1:9.) . . . PnL
Gayundin naman ang mga sumusunod kay Cristo. Ang liwanag ng Diyos sa langit ay matatanggap lang natin kung tatanggalin natin ang ating pagkamakasarili. Hindi natin makikilala ang likas ng Diyos, o matatanggap man si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, liban na sumang-ayon tayong isuko natin ang bawat isipin natin sa pagtalima kay Cristo. Sa lahat ng gumagawa nito’y ibinibigay ang Espiritu Santo nang walang sukat.— The Desire Of Ages , pp. 179-181. PnL