Pauwi Na Sa Langit

223/364

Pagsasakripisyo Sa Sarili Sa Loob Ng Iglesya, Agosto 12

Kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin. 1 Juan 4:12. PnL

Ang naging tanong ng manananggol kay Jesus ay, “Ano ang dapat kong gawin?” At sa pagkakilala ni Jesus na ang pag-ibig sa Diyos at sa tao ay siyang kabuuan ng katuwiran, ay sinabi Niyang, “Gawin mo ito, at ikaw ay mabubuhay.” Tinalima ng Samaritano ang mga udyok ng maawain at maibiging puso, at ito ay nagpatunay na siya’y isang tagatupad ng kautusan. Inatasan ni Cristo ang manananggol, “Yumaon ka, at gayundin ang iyong gawin.” (Lucas 10:25, 28, 37.) Pagtupad, at hindi pagsasalita lamang, ang inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga anak. “Ang nagsasabing nananahan sa Kanya ay dapat din namang lumakad, na gaya ng inilakad Niya.” (1 Juan 2:6.) PnL

Ang aral ay kailangan ngayon tulad nang ito’y unang mamutawi sa mga labi ni Jesus. Ang kasakiman at malamig na anyong pakitang-tao ay siyang pumapatay sa apoy ng pag-ibig, at nag-aalis ng mga biyayang dapat magpabango sa likas. Marami sa mga nagpapanggap na Cristiano ay nakalilimot sa katotohanang ang mga Cristiano ay dapat maging kinatawan ni Cristo. Malibang makita sa kabuhayan ang pagpapakasakit na mapabuti ang iba, sa loob ng pamilya, sa mga kapitbahay, sa loob ng iglesya, at saanman tayo naroroon, kung gayo’y anuman nga ang ating sabihin ay hindi tayo mga Cristiano. PnL

Ikinawing ni Cristo ang Kanyang interes sa sangkatauhan, at hinihingi Niyang tayo’y makiisa sa Kanya sa pagliligtas ng mga tao. “Tinanggap ninyong walang bayad,” wika Niya, “ibigay ninyong walang bayad.” (Mateo 10:8.) Ang kasalanan ay siyang pinakadakila sa lahat ng kasamaan, at tungkulin natin ang maawa at tumulong sa makasalanan. Marami ang nangasisinsay, at nangahihiya sa kanilang pagkakamali. Gutom sila sa mga salitang nagpapalakas ng loob. Minamasdan nila ang kanilang mga pagkukulang at mga pagkakamali hanggang sa mawalan sila ng pag-asa. Ang mga kaluluwang ito’y hindi natin dapat pabayaan. Kung tayo’y mga Cristiano, ay hindi tayo lalampas na daraan sa kabilang panig ng daan, na lumalayo hangga’t maaari sa mga taong lalong nangangailangan ng ating tulong. Kapag nakakita tayo ng mga taong nasa paghihirap, ito man ay maging dahil sa pagkakasakit o sa pagkakasala, ay hindi natin kailanman sasabihing, Wala akong pakialam diyan. PnL

“Kayong mga sa espiritu, inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kaamuan.” (Galacia 6:1.) Sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalangin, ay ipagtulakan ninyo ang kapangyarihan ng kaaway. Magsalita kayo ng mga salita ng pananampalataya at ng pampalakas ng loob na magiging parang balsamong pampagaling sa isang nabugbog at nasugatan. Maraming-marami na ang nanlumo at nanlupaypay sa malaking labanan ng buhay, gayong ang isang masayang salita ng kagandahang-loob ay nakapagpalakas sana sa kanila upang sila’y managumpay. Huwag natin kailanmang lalampasan ang kahit isang nagdurusang kaluluwa nang hindi pinagsisikapang ibigay sa kanya ang pang-aliw na inialiw naman sa atin ng Diyos.— The Desire Of Ages , pp. 504, 505. PnL