Pauwi Na Sa Langit
Manatili Kay Cristo, Agosto 10
Kung tinutupad ninyo ang Aking mga utos, ay mananatili kayo sa Aking pag-ibig. Juan 15:10. PnL
Ang pagkakaisang ito kay Cristo, kapag nabuo na, ay dapat panatilihin. Sinabi ni Cristo, “Kayo’y manatili sa Akin, at Ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kanyang sarili, maliban na nakakabit sa puno; gayundin naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa Akin.” Ito’y hindi pagkakaugnay na disinasadya, hindi pagkakaugnay na minsang nakakabit at minsang di-nakakabit. Ang sanga ay nagiging isang bahagi ng buhay na puno. Ang daloy ng buhay, ng lakas, at ng pamumunga magmula sa ugat hanggang sa mga sanga ay patuloy at hindi nahahadlangan. Kung hiwalay sa puno, ang sanga ay hindi mabubuhay. Gayundin naman kayo, sabi ni Jesus, hindi kayo mabubuhay nang nakahiwalay sa Akin. Ang buhay na inyong tinatanggap sa Akin ay maiingatan lang sa pamamagitan ng patuloy na pakikiugnay. Kung wala Ako ay hindi ninyo madadaig ang kahit isang kasalanan, o malalabanan man ang kahit isang tukso. PnL
“Kayo’y manatili sa Akin, at Ako’y sa inyo.” Ang pananatili kay Cristo ay nangangahulugan ng patuloy na pagtanggap ng Kanyang Espiritu, ng isang buhay na lub os na itinalaga at ipinasakop sa paglilingkod sa Kanya. Ang daluyan ng pagkakaugnay ay kailangang laging bukas sa tao at sa kanyang Diyos. Kung paanong ang sanga ng puno ng ubas ay patuloy na sumisipsip ng katas mula sa buhay na puno, gayundin naman tayo dapat makiugnay kay Jesus, at dapat tumanggap sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya ng lakas at kasakdalan ng Kanyang sariling karakter. . . . PnL
Ang buhay ng puno ng ubas ay makikita sa mabangong bungang nasa mga sanga. “Ang nananatili sa Akin,” sabi ni Jesus, “at Ako’y sa kanya, ay siyang nagbubunga nang marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawa.” Kung tayo’y nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, ay makikita sa ating kabuhayan ang mga bunga ng Espiritu; isa man ay walang mawawala. PnL
“Ang Aking Ama ang magsasaka. Ang bawat sanga na nasa Akin na hindi nagbubunga ay inaalis Niya.” Kung ang pagkakasanib ng sanga sa puno ay panlabas lamang, hindi nagiging buhay ang pagkakaugnay. Kung magkagayon ay hindi magkakaroon ng pagtubo o pamumunga. Gayundin naman maaaring magkaroon ng parang pagkakaugnay kay Cristo nang wala namang tunay na pagkakasanib sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagpapanggap ng relihiyon ay naglalagay sa mga tao sa loob ng iglesya, subalit ang likas at pag-uugali ay siya namang nagpapakilala kung sila’y nakaugnay kay Cristo. Kung hindi sila nagbubunga, sila’y hindi tunay na mga sanga. Ang kanilang pagkakahiwalay kay Cristo ay nangangahulugan ng isang lubos na pagkapahamak na gaya ng inilalarawan ng patay na sanga. “Kung ang sinuman ay hindi manatili sa Akin,” wika ni Cristo, “ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at titipunin ng mga tao, at ihahagis sa apoy, at mangasusunog.”— The Desire Of Ages, pp. 676. PnL