Pauwi Na Sa Langit
Kapangyarihan Sa Iglesya, Agosto 9
Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo. Gawa 1:8. PnL
Kung Siya [ang Espiritu ng katotohanan] ay dumating, ay Kanyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol.” Ang pangangaral ng salita ay mawawalan ng kabuluhan kung hindi patuloy na sasamahan at tutulungan ng Banal na Espiritu. Ito lang ang mabisang tagapagturo ng banal na katotohanan. Kung sinasamahan lang ng Espiritu ang katotohanan sa puso saka ito makagigising sa budhi o makapagbabago sa buhay. Maaaring magawa ng isang tao na maipakilala ang nakasulat na salita ng Diyos, maaaring alam na alam niya ang lahat nitong mga utos at mga pangako; subalit malibang itanim ng Banal na Espiritu ang katotohanan sa puso, ay walang kaluluwang mahuhulog sa Bato at madudurog. Gaano man kalaki ang pinagaralan, gaanuman kalaki ang mga kalamangan, ay hindi pa rin magagawang isang daluyan ng liwanag ang isang tao kung hindi tutulungan ng Espiritu ng Diyos. Ang paghahasik ng binhi ng ebanghelyo ay hindi magiging tagumpay malibang buhayin ng hamog ng langit ang binhi. Bago nasulat ang isang aklat ng Bagong Tipan, bago naipangaral ang isang sermon ng ebanghelyo pagkatapos makaakyat sa langit si Cristo, ay lumapag na ang Banal na Espiritu sa dumadalanging mga apostol. Ang naging patotoo nga ng kanilang mga kaaway ay, “Pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral.” (Gawa 5:28.) PnL
Ipinangako ni Cristo sa Kanyang iglesya ang kaloob ng Banal na Espiritu, at ang pangako ay para sa atin din naman gaya ng sa mga unang alagad. Subalit katulad ng bawat ibang pangako, ito’y ibinibigay na may mga kondisyon. Marami ang naniniwala at nagpapanggap na umaangkin sa pangako ng Panginoon; nagsasalita sila tungkol kay Cristo at tungkol sa Banal na Espiritu, gayunman ay wala silang tinatanggap na anumang kapakinabangan. Hindi nila isinusuko ang kaluluwa upang mapatnubayan at mapangasiwaan ng mga banal na anghel. Hindi natin magagamit ang Banal na Espiritu. Ang Espiritu ang dapat gumamit sa atin. Sa pamamagitan ng Espiritu ay gumagawa ang Diyos sa Kanyang bayan “sa pagnanasa at sa paggawa ayon sa Kanyang mabuting kalooban.” (Filipos 2:13.) Subalit marami ang hindi paiilalim dito. Ibig nilang sila na ang mangasiwa sa kanilang mga sarili. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila tumatanggap ng kaloob ng langit. Iyon lamang mga buong kapakumbabaang naghihintay sa Diyos, na nag-aantabay sa Kanyang pamamatnubay at biyaya, ang binibigyan ng Espiritu. Naghihintay ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang paghingi at pagtanggap. Ang ipinangakong pagpapalang ito, kung aangkinin sa pananampalataya, ay maghahatid ng lahat ng iba pang mga pagpapala. Ito’y ibinibigay ayon sa kasaganaan ng biyaya ni Cristo, at Siya’y handang magbigay sa bawat kaluluwa ayon sa kakayahan niyang tumanggap. PnL
Sa pagsasalita Niya sa Kanyang mga alagad, hindi gumawa si Jesus ng anumang malungkot na pagpapahiwatig ng daranasin Niyang paghihirap at kamatayan. Ang kahuli-hulihan Niyang pamana sa kanila ay isang pamana ng kapayapaan. Sinabi Niya, “Ang kapayapaan ay iniiwan Ko sa inyo, ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo.” (Juan 14:27.)— The Desire Of Ages, pp. 671, 672. PnL