Pauwi Na Sa Langit
Kaayusan Ng Iglesya, Agosto 7
Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad. Gawa 6:7. PnL
Ang magkaparehong mga prinsipyo ng kabanalan at katarungan na dapat pumatnubay sa mga pinuno ng bayan sa panahon ni Moises at David, ay dapat ding sundan nilang mga binigyan ng kapanagutang mangasiwa sa bagong tatag na iglesya ng Diyos sa panahon ng ebanghelyo. Sa gawain ng pag-aayos ng lahat ng bagay sa lahat ng iglesya, at pag-oordina ng nararapat na mga tao upang maglingkod bilang mga opisyal, ang mga apostol ay nanghawak sa mataas na pamantayan ng pangungulo na inihanay sa kasulatan sa Lumang Tipan. Pinanatili nilang ang sinumang tinawagan sa pangunguna sa iglesya ay, “bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang; kundi mapagpatuloy, ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, mapagpigil sa sarili. Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.” (Tito 1:7-9.) PnL
Ang kaayusang pinanatili ng naunang Cristianong iglesya, ang nagbigay dito ng matatag na pagsulong bilang isang hukbong disiplinado, na suot ang buong kagayakan ng Diyos. Ang mga pulutong ng mananampalataya, bagaman nakakalat sa isang malawak na teritoryo, ay mga kaanib lahat ng iisang katawan; lahat ay kumilos na magkakasanib at magkakatugma sa isa’t isa. Kapag bumangon ang alitan sa lokal na iglesya, katulad ng sa Antioch at iba pang lugar, at hindi ito maayos ng mga mananampalataya sa ganang sarili, ang alitan ay hindi hinayaang magbunga ng pagkakabahagi sa iglesya, kundi dinala sa isang pangkalahatang konsilyo ng buong kapatirang binuo ng mga delegado mula sa mga lokal na iglesya, na ang mga apostol at mga matatanda ang nangunguna. Sa ganito ang mga pagsisikap ni Satanas na salakayin ang iglesya sa mga bukod na lugar, ay hinarap ng magkakasanib na pagkilos ng lahat; at ang mga panukala ng kaaway na mangwasak at manggulo ay nahadlangan. PnL
“Ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal.” (1 Corinto 14:33.) Inaasahan Niyang ang kaayusan at sistema ay mamamayani sa pagsasagawa ng mga alituntunin ng iglesya ngayon, tulad din noong una. Ninanais Niyang magpapatuloy ang Kanyang gawain na masinop at wasto upang mailagay Niya rito ang tatak ng Kanyang pagsang-ayon. Ang Cristiano ay dapat maipagkaisa sa Cristiano, iglesya sa iglesya, ang tao ay nakikipagtulungan sa langit, bawat ahensya ay napapailalim sa Banal na Espiritu, at lahat ay nagsasama-sama sa mundo sa pagbibigay sa sanlibutan ng mabuting balita ng biyaya ng Diyos.— The Acts Of Apostles , pp. 95, 96. PnL