Pauwi Na Sa Langit
Isang Halimbawa Ng Pagkakaisa Ng Iglesya, Agosto 6
At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas. Gawa 2:47. PnL
Sa naunang iglesya ay ipinagkatiwala ang isang gawaing patuloy na lumalago—ang pagtatatag ng mga sentro ng liwanag at pagpapala saan mang dako may mga tapat na kaluluwang magkakaloob ng sarili sa paglilingkod kay Cristo. Ang paghahayag ng ebanghelyo ay magiging pansalibutan, at ang mga mensahero ng krus ay hindi makaaasang magtatagumpay sa mahalagang misyong ito malibang sila’y nagkakaisa sa tali ng pagiging Cristiano, at sa ganito ay ihayag sa mundo na sila’y kaisa ni Cristo sa Diyos. Hindi ba’t ang banal na Pinuno ay nanalangin sa Ama, “Ingatan Mo sila sa Iyong pangalan, yaong mga ibinigay Mo sa Akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman Natin”? At hindi ba’t Kanyang inihayag sa Kanyang mga alagad, “Kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila taga sanlibutan”? Hindi ba’t Siya ay nakiusap sa Ama na sila ay “malubos sa pagkakaisa,” “upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako’y sinugo Mo?” (Juan 17:11, 14, 23, 21.) Ang kanilang kabuhayang espirituwal at kapangyarihan ay nakasalig sa malapit na ugnayan sa Kanya na nagbigay ng utos na ipangaral ang ebanghelyo. PnL
Sa pakikipagkaisa lang kay Cristo, ang mga alagad ay makaaasang tatanggap ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at pakikipagtulungan ng mga anghel ng langit. Sa tulong ng mga banal na ahensyang ito ihaharap nila sa mundo ang nagkakaisang paggawa at magiging matagumpay laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Sa patuloy na nagkakaisang paggawa, mauuna sa kanila ang mga ahensya ng langit, na nagbubukas ng daan; mahahanda ang mga puso upang tumanggap ng katotohanan, at marami ang maaakit kay Cristo. Hangga’t sila’y nananatiling nagkakaisa, ang iglesya ay hahayong “kasing ganda ng buwan, kasing liwanag ng araw, at kagulat-gulat bilang hukbong may mga bandila.” (Awit ng mga Awit 6:10.) Walang makahahadlang sa kanyang pagsulong. Ang iglesya ay hahayo sa tagumpay tungo sa tagumpay pa, maluwalhating tinutupad ang kanilang banal na misyong ipangaral ang ebanghelyo sa sanlibutan. PnL
Ang pagtatatag ng iglesya sa Jerusalem ay modelo sa pagtatatag ng mga iglesya sa bawat dakong ang mga mensahero ng katotohanan ay makasusumpong ng mga hikayat sa ebanghelyo. Sa kanilang pinagkalooban ng pangkalahatang pangangasiwa ng iglesya, ay hindi magiging panginoon sa mga pamanang ito ng Diyos, kundi, mga pantas na pastol, “na magpapakain ng kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:2.)— The Acts Of The Apostles, pp. 90, 91. PnL