Pauwi Na Sa Langit

213/364

Ang Tanggulan Ng Diyos, Agosto 2

Ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buhay, ang haligi at suhay ng katotohanan. 1 Timoteo 3:15. PnL

Ang iglesya ay itinalagang ahensya ng Diyos para sa ating kaligtasan. Ito’y itinatag para sa paglilingkod, at ang misyon nito’y dalhin ang ebanghelyo sa sanlibutan. Sa pasimula pa ay naging panukala ng Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang iglesya ay maihahayag sa sanlibutan ang Kanyang kapunuan at Kanyang kasapatan. Ang mga kaanib ng iglesya, silang Kanyang tinawagan mula sa kadiliman tungo sa Kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan, ay magpapakita ng Kanyang kaluwalhatian. Ang iglesya ay pinaglalagakan ng kayamanan ng biyaya ni Cristo, at sa pamamagitan din ng iglesya ay maihahayag ito, kahit na sa mga “kapamahalaan at kapangyarihan sa matataas na dako,” ang huli at lubos na pahayag ng pag-ibig ng Diyos. (Efeso 3:10.) PnL

Marami at kahanga-hanga ang mga pangakong nakatala sa Kasulatan tungkol sa iglesya. “Ang Aking bahay ay tatawaging bahay ng panalangin para sa lahat ng tao.” (Isaias 56:7.) “At Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng Aking burol; at Aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.” (Ezekiel 34:26.) . . . PnL

Ang iglesya ay tanggulan ng Diyos, Kanyang siyudad ng kanlungan, na Kanyang iniingatan sa sanlibutang naghimagsik. Anumang kataksilan sa iglesya ay pagkakanulo sa Kanya na tumubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang bugtong na Anak. Mula sa pasimula, ang iglesya ay binuo ng mga tapat na tao rito sa lupa. Sa bawat panahon ang Panginoon ay mayroong mga tapat na mga bantay, na nagtaglay ng tapat na patotoo sa saling-lahi na kanilang kinabuhayan. Ang mga bantay na ito’y nagbigay ng mga babala; at nang sila’y tawagin upang ibaba na ang mga kasuotang pandigma, iba naman ang nagsabalikat ng gawain. Dinala ng Diyos ang mga ito sa ugnayan ng tipan sa Kanya, na pinagkakaisa ang iglesya sa lupa sa iglesya sa langit. Isinugo Niya ang Kanyang mga anghel upang maglingkod sa Kanyang iglesya, at hindi nagtagumpay ang mga pintuan ng impiyerno laban sa Kanyang bayan. PnL

Sa mga daang taon ng pag-uusig, tunggalian, at kadiliman, sinustinahan ng Diyos ang Kanyang iglesya. Walang kahit isang ulap ang tumakip dito na hindi Niya pinaghandaan; walang kahit isa mang kalabang puwersa ang bumangon upang salungatin ang Kanyang gawain, na hindi Niya unang nakita. Lahat ay naganap ayon sa Kanyang inihula. Hindi Niya pinabayaan ang Kanyang iglesya, kundi ibinalangkas sa propesiya ang lahat nang magaganap, at ang mga sinabi ng Kanyang Espiritu sa mga propeta ay pawang naganap. Lahat ng Kanyang adhikain ay matutupad. Ang Kanyang kautusan ay nakaugnay sa Kanyang trono, at walang anumang kapangyarihang masama ang maaaring sumira. Ang katotohanan ay kinasihan at ipinagsasanggalang ng Diyos at ito’y magtatagumpay sa lahat ng oposisyon.— The Acts Of Apostles , pp. 9-12. PnL