Pauwi Na Sa Langit
Epekto Ng Pagpapasalamat At Pagpupuri, Hulyo 30
Ang takot sa Panginoon ay bukal ng buhay. Kawikaan 14:27. PnL
Walang anumang higit na makapagtataguyod ng kalusugan ng katawan at kaluluwa nang higit sa magagawa ng espiritu ng pagpapasalamat at pagpupuri. Isang positibong tungkulin na labanan ang mapanglaw, at di-kuntentong isipan at pakiramdam—kung paanong tungkulin ding manalangin. Kung tayo’y patungo sa langit, paano tayo magtutungo bilang samahan ng mga nagdadalamhati, naghihinagpis, at nagrereklamo sa daan tungo sa tahanan ng ating Ama? PnL
Yaong mga nag-aangking Cristiano na patuloy na mga nagrereklamo na parang iniisip na kasalanan ang pagkakaroon ng kagalakan at kaligayahan, ay walang totoong relihiyon. Silang mga kumukuha ng malungkot na kaaliwan sa lahat ng mapanglaw sa natural na sanlibutan, silang mga pumipiling tingnan ang mga tuyong dahon, sa halip na tipunin ang mga buhay na magagandang bulaklak, na walang nakikitang kagandahan sa kataasan ng mga malalaking bundok, at mga lambak na dinamitan ng berdeng buhay, na isinasara ang kanilang pandama sa masayang tinig na nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng kalikasan, na kung saan matatamis at may musika sa mga taingang nakikinig—ang mga ito’y wala kay Cristo. Sila’y nagtitipon sa kanilang sarili ng kapanglawan at kadiliman, kung saan maaari naman silang magkaroon ng liwanag, kahit pa ang Araw ng Katuwiran ang sumikat sa kanilang mga puso na mayroong pampagaling sa mga sinag nito. PnL
Madalas na nagdidilim ang iyong isipan dahil sa sakit. Kapag ganoon ay huwag sikaping mag-isip. Alam mong mahal ka ni Jesus. Naiintindihan Niya ang iyong kahinaan. Maaari mong magawa ang Kanyang kalooban sa pagpapahinga lang sa Kanyang bisig. PnL
Ito’y batas ng kalikasan na ang ating isipan at mga pakiramdam ay napapalakas ang loob at pinalalakas habang naipahahayag ito. Habang nagpapahayag ang salita ng isipan, totoo ring ang mga isipan ay sumusunod sa salita. Kung ating higit na ipapahayag ang ating pananampalataya, higit na magsaya sa mga pagpapalang alam nating mayroon tayo—ang dakilang awa at pag-ibig ng Diyos—magkakaroon tayo ng higit na pananampalataya at higit na kasiyahan. Walang dilang makapagpapahayag, walang kaisipang makauunawa, ng pagpapalang resulta ng pagkilala sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos. Kahit sa mundo ay maaari tayong magkaroon ng kaligayahan bilang bukal, na di-lumilipas, dahil pinupunan ng mga ilog na dumadaloy mula sa trono ng Diyos. PnL
Kaya nga turuan natin ang ating mga puso at mga labi na salitain ang kapurihan ng Diyos para sa Kanyang walang kapantay na pag-ibig. Turuan natin ang ating mga kaluluwa na magkaroon ng pag-asa at manatili sa liwanag na sumisinag mula sa krus ng kalbaryo. Hindi natin kailanman dapat kalimutang tayo’y mga anak ng makalangit na Hari, mga anak na lalaki at babae ng Panginoon ng mga hukbo. Ito’y pribilehiyo nating manatiling kalmado na magpahinga sa Diyos.— The Ministry Of Healing, pp. 251-253. PnL