Pauwi Na Sa Langit
Talata Sa Talata, Enero 18
Purihin Ka Panginoon; ituro Mo sa akin ang Iyong mga tuntunin. Awit 119:12. PnL
Ang mag-aaral ng Biblia ay dapat maturuang basahin ito nang may espiritu ng isang nag-aaral. Dapat nating saliksikin ang mga pahina nito, hindi para gamiting katibayan upang patunayan ang ating mga opinyon, kundi upang malaman natin kung ano ang sinasabi ng Diyos. PnL
Ang tunay na karunungan sa Biblia ay maaari lang matamo sa pamamagitan ng tulong ng Espiritu kung kanino ibinigay ang salita. At upang matamo ang kaalamang ito, dapat tayong mamuhay ayon dito. Dapat nating sundin ang lahat nang ipinag-uutos ng salita ng Diyos. Maaari nating angkinin ang lahat ng mga ipinapangako rito. Ang buhay na iniuutos nito’y buhay na dapat nating ipamuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan nito. Tanging sa gayong paghawak lang ng Biblia maaaring mapag-aralan ito nang mabisa. PnL
Ang pag-aaral ng Biblia ay humihiling ng ating puspusang pagsisikap at matiyagang pagbubulay-bulay. Kung paano humuhukay ang minero mula sa lupa ng mga ginintuang kayamanan, na napakasigasig, at may pagtitiyaga, ganito rin natin dapat hanapin ang kayamanan ng salita ng Diyos. PnL
Sa araw-araw na pag-aaral, ang paraan ng talata-sa-talata ay madalas na lubhang nakatutulong. Hayaang kumuha ang mga mag-aaral ng isang talata, at ituon ang isip sa paglilinaw sa kaisipang inilagay ng Diyos sa talatang iyon para sa kanila, at pagkatapos ay magtuon sa kaisipan hanggang ito’y maging sa kanila. Ang isang talata kapag pinag-aralan nang gayon hanggang sa maging malinaw ang kahalagahan nito’y higit na may halaga kaysa pagbabasa ng maraming mga kapitulong walang tiyak na layuning tinatanaw at walang positibong tagubilin ang natamo. PnL
Isa sa mga pangunahing dahilan sa kawalan ng kakayahan ng isipan at kahinaang moral ay kakulangan ng pagtutuon sa mga mahalagang patutunguhan. Ipinagmamalaki natin ang malawak na pamimigay ng mga literatura; ngunit ang pagpaparami ng mga aklat, kahit na ang mga aklat na hindi nakasasama, ay maaaring isang positibong kasamaan. Dahil sa napakarami ng inililimbag na patuloy na lumalabas mula sa mga palimbagan, ang matanda at kabataan ay nakabubuo ng kaugaliang magbasa nang mabilisan at mababaw, at nawawalan ang isipan ng kapangyarihan nito sa konektado at masiglang pag-iisip. Dagdag pa rito, ang malaking bahagi ng mga peryodiko at mga aklat, tulad ng mga palaka ng Ehipto, na lumalaganap sa lupain, ay hindi lang pangkaraniwan, walang kapararakan, at nakapagpapahina, kundi marumi at nakapagpapababa rin. Ang mga epekto nila’y hindi lang lasingin at sirain ang isipan, kundi dumihan at wasakin ang kaluluwa. Ang isipan, ang puso, na batugan, walang direksyon, ay nagiging madaling biktima ng kasamaan. Tumutubo ang amag sa maysakit at walang buhay na mga organismo. Ang tamad na isipan ay gawaan ni Satanas. Ituon ang isipan sa mga mataas at banal na layunin, hayaang magkaroon ang buhay ng marangal na pakay, lubhang kawili-wiling layunin, at kung saan nakatatagpo ang kasamaan ng maliit na panghahawakan.— Education, pp. 189, 190. PnL