Pauwi Na Sa Langit
Ang Malaking Tunggalian Sa Kasulatan, Enero 17
At nagkaroon ng digmaan sa langit. Apocalipsis 12:7. PnL
Ang Biblia ang sarili nitong tagapagpaliwanag. Ang Kasulatan ay dapat ihambing sa kasulatan. Dapat matutuhang tanawin ng mga mag-aaral ang salita sa kabuuan, at tingnan ang kaugnayan ng mga bahagi nito. Dapat silang magtamo ng kaalaman sa malawak na pangunahing tema nito, sa orihinal na layunin ng Diyos para sa mundo, sa pagbangon ng malaking tunggalian, at sa gawain ng pagtubos. Dapat nilang unawain ang likas ng dalawang prinsipyong naglalaban para sa pamumuno, at matutong siyasatin ang kanilang ginagawa ayon sa mga tala ng kasaysayan at propesiya, hanggang sa dakilang pagtatapos. Dapat nilang makita kung paano pumapasok ang malaking tunggalian sa bawat bahagi ng karanasan ng tao, kung paanong sa bawat pagkilos ng buhay ay sila mismo ang maghayag sa isa o sa ikalawa sa dalawang magkasalungat na layunin; at kung paanong, papayag man sila o hindi, sila kahit na ngayon ay nagpapasya kung saang panig ng tunggalian sila matatagpuan. PnL
Bawat bahagi ng Biblia ay ibinigay sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos at mapakikinabangan. Ang Lumang Tipan kahit na ang Bago ay dapat magkaroon ng parehong atensyon. Sa pag-aaral natin sa Lumang Tipan, matatagpuan natin ang mga buhay na bukal na dumadaloy pataas kung saan disyerto lang ang nauunawaan ng walang ingat na mambabasa. PnL
Ang aklat ng Apocalipsis, na kaugnay sa aklat ng Daniel, ay lalo nang nangangailangan ng pag-aaral. Hayaang isaalang-alang ng bawat gurong may takot sa Diyos kung paano pinakamalinaw na unawain at ihayag ang ebanghelyo na ang ating Tagapagligtas ay personal na dumating upang ipaalam sa Kanyang lingkod na si Juan—“Ang Apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon.” (Apocalipsis 1:1.) Walang sinuman ang dapat na mapanghinaan ng loob sa pag-aaral ng Apocalipsis dahil sa mga inaakalang mga mahiwagang simbolo. “Ngunit kung sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat.” (Santiago 1:5.) PnL
“Mapalad ang bumabasa at nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na.” (Apocalipsis 1:3.) PnL
Kapag nagising ang tunay na pagmamahal sa Biblia, at nagsimulang mapagtanto ng mga mag-aaral kung gaano kalawak ang bukiran at kung gaano kahalaga ang kayamanan nito, nanaisin nilang kunin ang bawat pagkakataon para sanayin ang kanilang mga sarili sa salita ng Diyos. Ang pag-aaral dito ay hindi malilimitahan ng panahon at lugar. At ang patuloy na pag-aaral na ito ay isa sa pinakamabuting pamamaraan sa paglilinang ng isang pagmamahal sa mga Kasulatan.— Education, pp. 190, 191. PnL