Pauwi Na Sa Langit
Di-Mapagkakatiwalaan Ang Panlasa, Hulyo 24
Kaya kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 1 Corinto 10:31. PnL
Ang ating mga katawan ay binubuo ng ating kinakain. Mayroong patuloy na pagkasira ng mga tisyu ng katawan; ang bawat sandali sa bawat bahagi ay may kinalaman sa pag-aalis, at ang mga naalis ay napapalitan ng ating pagkain. Ang bawat bahagi ng ating katawan ay humihingi ng bahagi nito sa nutrisyon. Ang utak ay dapat matugunan sa bahagi nito; ang mga buto, kalamnan, at nerbiyos ay humihingi ng sa kanila. Isang kahanga-hangang proseso na ang pagkain ay nagiging dugo at ginagamit ang dugong ito para patatagin ang mga bahagi ng katawan; ngunit ang prosesong ito’y nagpapatuloy, na nagbibigay buhay at lakas sa mga nerbiyos, kalamnan at mga tisyu. PnL
Ang mga pagkaing makapagbibigay ng mga pinakamabuting elementong kinakailangan sa pagpapatatag ng katawan ay dapat piliin. Sa pagpiling ito, hindi ligtas na gabay ang panlasa. Sa pamamagitan ng maling kaugalian sa pagkain, nababaluktot ang panlasa. Madalas na ang pagkaing hinihingi nito’y mga pagkaing makasisira sa kalusugan at nagpapahina sa halip na magpalakas. Hindi tayo maaaring maging ligtas sa gabay ng kaugalian ng kapaligiran. Ang mga sakit at pagdurusang makikita kahit saan ay kadalasang ang dahilan ay ang popular na kamaliang may kinalaman sa pagkain. PnL
Para malaman kung ano ang pinakamabuting mga pagkain, dapat nating pagaralan ang orihinal na plano ng Diyos para sa ating pagkain. Siyang sa atin ay lumikha, at nakauunawa ng ating pangangailangan ay nagbigay kay Adan ng kanyang pagkain. “Sinabi ng Diyos, ‘Tingnan ninyo, ibinigay Ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo.’ ” (Genesis 1:29.) Sa kanilang pag-alis sa Eden para mabuhay sa pagbubungkal ng lupa na nasa ilalim ng sumpa ng kasalanan, nabigyan ng permiso ang sangkatauhan na kumain din ng “tanim sa parang.” (Genesis 3:18.) PnL
Ang mga butil, prutas, mani, at mga gulay ang bumubuo ng pagkaing pinili para sa atin ng Manlilikha. Ang mga pagkaing ito, na inihanda sa pinakasimple at natural na paraang posible, ang pinakamalusog at nagpapasigla. Nagbibigay ito ng lakas, isang kapangyarihang nagpapatatag, at kasiglahan ng kaisipan na hindi naibibigay ng mas komplikado at pampasiglang pagkain. PnL
Ang katawan natin ay biniling pag-aari ni Cristo, at wala tayong kalayaang gawin dito ang anumang gusto natin. Dapat maunawaan ng lahat ng nakauunawa ng batas ng kalusugan ang kanilang obligasyon na sundin ang mga batas na ito na naitatag ng Diyos sa kanilang mga pagkatao. Ang pagsunod sa batas ng kalusugan ay dapat gawing personal na tungkulin.— The Ministry Of Healing, p. 295, 296, 310. PnL