Pauwi Na Sa Langit
Ang Pangunahing Tema Ng Biblia, Enero 16
Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung Siya'y mahayag, tayo'y magiging tulad Niya, sapagkat Siya'y ating makikita bilang Siya. 1 Juan 3:2. PnL
Bilang isang tagapagturo walang bahagi ng Biblia na mas mahalaga kaysa mga talambuhay nito. Naiiba ang mga talambuhay na ito sa lahat dahil ang mga ito’y ganap na tunay na buhay. Imposible para sa anumang limitadong isipan na maipaliwanag nang tama, sa lahat ng mga bagay, ang mga gawain ng iba. Walang iba kundi Siyang nakababasa ng puso, na nakababatid sa mga sekretong bukal ng motibo at pagkilos, ang maaaring, sa pamamagitan ng ganap na katotohanan, makapagsaysay ng karakter, o makapagbigay ng matapat na larawan ng isang buhay ng tao. Sa salita lang ng Diyos matatagpuan ang gayong pagsasaysay. PnL
Walang ibang katotohanan ang mas malinaw na itinuturo ng Biblia kaysa katotohanang ang ginagawa natin ay bunga ng kung ano tayo. Sa isang malaking antas, ang mga karanasan sa buhay ay bunga ng ating sariling mga pag-iisip at gawa. . . . PnL
Ang pangunahing tema ng Biblia, ang tema tungkol sa kung saan ang bawat isa sa buong aklat ay nagtitipon, ay ang panukala ng pagtubos, ang pagbabalik sa kaluluwa ng tao ng larawan ng Diyos. Mula sa unang pahiwatig ng pag-asa sa hatol na ipinahayag sa Eden hanggang sa huling maluwalhating pangako sa Apocalipsis. “At makikita nila ang Kanyang mukha at ang Kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo” (Apocalipsis 22:4), ang pasanin ng bawat aklat at bawat talata ng Biblia ay ang paglalahad ng kahanga-hangang temang ito—sa pagbangon ng sangkatauhan—sa kapangyarihang Diyos, “na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” (1 Corinto 15:57.) PnL
Ang mga humahawak sa kaisipang ito’y mayroong walang katapusang larangan para sa pag-aaral sa harapan nila. Mayroon silang susing magbubukas sa kanila sa buong kabang-yaman ng salita ng Diyos. PnL
Ang siyensya ng pagtubos ang siyensya ng lahat ng mga siyensya; ang siyensya na siyang pinag-aralan ng mga anghel at lahat nang may karunungan sa mga dinagkasalang sanlibutan; ang siyensyang tumatawag pansin sa ating Panginoon at Tagapagligtas; ang siyensyang pumapasok sa layuning nabuo sa isipan ng Walang Hanggan—“na inilihim sa napakahabang panahon” (Roma 16:25); ang siyensyang siyang pag-aaralan ng mga tinubos ng Diyos sa buong katapusan ng panahon. PnL
Ito ang pinakamataas na pag-aaral kung saan posibleng makisali ang tao. Na hindi kayang gawin ng iba, babaguhin nito ang isipan at itataas ang kaluluwa. . . . PnL
Ang mapanlikhang lakas na tumawag sa mga mundo upang umiral ay nasa salita ng Diyos. Ang salitang ito’y nagbibigay ng kapangyarihan; lumilikha ng buhay. Bawat utos ay isang pangako; na kapag tinanggap ng kalooban, tinanggap sa kaluluwa, dadalhin nito ang buhay Niyang Walang Hanggan. Binabago nito ang likas at nililikhang muli ang kaluluwa na ayon sa larawan ng Diyos.— Education, pp. 146, 125, 126. PnL