Pauwi Na Sa Langit

15/364

Magkaagapay, Enero 15

Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit sa kanila at naglakbay na kasama nila. Lucas 24:15. PnL

Ang mga naghahanap ng katuwiran ni Cristo ay itutuon ang kanilang isipan sa mga tema ng dakilang kaligtasan. Ang Biblia ang kamalig na nagtutustos sa kanilang mga kaluluwa ng nagpapalusog na pagkain. Pinagbubulay-bulayan nila ang pagkakatawang-tao ni Cristo, minumuni-muni nila ang dakilang sakripisyong ginawa upang iligtas sila mula sa kapahamakan, upang magkaloob ng kapatawaran, kapayapaan, at walang katapusang katuwiran. Ang kaluluwa ay nagniningning dahil sa ganitong kahanga-hanga at nakapagtataas na mga tema. Ang kabanalan at katotohanan, biyaya at katuwiran, ang pumupuno sa mga isipan. Namamatay ang sarili, at nabuhay si Cristo sa Kanyang mga lingkod. Sa pagninilay-nilay sa salita ang kanilang mga puso ay nagniningas sa loob nila tulad sa puso ng dalawang alagad habang sila’y patungo sa Emmaus at si Cristo ay lumakad na kasama nila sa daan at binuksan sa kanila ang mga kasulatan tungkol sa Kanyang sarili. PnL

Gaano ngang kakaunti lang ang nakauunawang si Jesus, na di-nakikita, ay lumalakad sa kanilang tabi! Gaanong ngang mapapahiya ang marami na marinig ang Kanyang tinig na nakikipag-usap sa kanila at malamang napakinggan Niya ang lahat ng kanilang mangmang at karaniwang usapan! At gaano karaming puso ang mag-aalab sa banal na ligaya kung alam lang nilang nasa tabi nila ang Tagapagligtas, na ang banal na kapaligiran ng Kanyang presensya ay pumapalibot sa kanila, at sila’y kumakain ng tinapay ng buhay! Gaano nasisiyahan ang Tagapagligtas na marinig na ang Kanyang tagasunod ay nag-uusap tungkol sa Kanyang mga mahahalagang liksyon ng tuntunin at malamang sila’y nasisiyahan sa mga banal na bagay! PnL

Kapag nananahan ang katotohanan sa puso, walang lugar para sa pamumuna ng lingkod ng Diyos, o sa paghahanap ng mga mali sa mensaheng Kanyang ipinadadala. Kung ano ang nasa puso ay lalabas mula sa mga labi. Hindi ito maaaring pigilin. Ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga nagmamahal sa Kanya ang magiging tema ng kanilang pag-uusap. Ang pag-ibig ni Cristo ay nasa kaluluwa bilang isang bukal ng tubig, na bumubukal hanggang sa walang katapusang buhay, na nagpapadala ng mga buhay na batis na nagbibigay ng buhay at kagalakan saanman ito dumaloy.— Counsels To Parents, Teachers, And Students, pp. 341, 342. PnL

At lalo pang higit ang kapangyarihan ng Biblia sa pagpapaunlad ng espirituwal na kalikasan. Tayo’y nilalang para sa pakikisama sa Diyos, at tanging sa pamamagitan ng ganitong samahan matatagpuan ang ating tunay na buhay at pag-unlad. Dahil nilalang upang tuklasin sa Diyos ang ating pinakamataas na kaligayahan, wala nang iba pa ang masusumpungan nating makapagpapatahimik sa labis na pananabik ng puso, at makapapawi sa gutom at uhaw ng kaluluwa. Ang mga may taimtim at natuturuang espiritu na nag-aaral ng salita ng Diyos, na nagsisikap na maunawaan ang mga katotohanan nito, ay maihahatid sa pakikipag-ugnayan sa May-Akda nito.— EDUCATION , pp. 124, 125. PnL