Pauwi Na Sa Langit

14/364

Maghukay Nang Malalim, Enero 14

Sa pamamagitan ng Iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan. Awit 119:104. PnL

Para sa isipan at sa kaluluwa, gayundin sa katawan, sa kautusan ng Diyos nakukuha ang kalakasan sa pamamagitan ng pagsisikap. Pagsasanay ang nakapagpapalago. Alinsunod sa kautusang ito, nagkaloob ang Diyos sa Kanyang salita ng mga pamamaraan para sa pag-unlad ng kaisipan at espirituwal. PnL

Naglalaman ang Biblia ng lahat ng mga prinsipyong kailangan nating maunawaan upang tayo’y marapat para sa buhay na ito at sa buhay na darating. At ang mga prinsipyong ito’y maaaring maunawaan ng lahat. Walang sinumang mayroong espiritu na pahalagahan ang mga turo nito ang makababasa ng isang talata mula sa Biblia na hindi makakukuha rito ng ilang nakatutulong na kaisipan. Ngunit ang pinakamahalagang aral ng Biblia ay hindi makukuha sa pamamagitan ng paminsanminsan at paputol-putol na pag-aaral. Ang mga dakilang sistema ng katotohanan nito’y hindi inihayag para maunawaan lang ng nagmamadali o walang-ingat na mambabasa. Marami sa mga kayamanan nito’y nakalagay sa ilalim na bahagi, at maaari lang makuha sa pamamagitan ng matiyagang pagsasaliksik at patuloy na pagsisikap. Ang mga katotohanang bumubuo ng malaking kabuuan ay dapat hanapin at tipunin, “kaunti rito, at kaunti roon.” (Isaias 28:10.) PnL

Kapag sinaliksik at pinagsama-sama nang gayon, matutuklasang magkaakmangmagkaakma ang mga ito sa isa’t isa. Bawat Ebanghelyo ay isang karagdagan sa iba, bawat propesiya ay isang pagpapaliwanag sa iba, bawat katotohanan ay isang pagpapaunlad sa iba pang katotohanan. Ang mga uri ng ekonomiya ng mga Judio ay ginawang malinaw sa pamamagitan ng ebanghelyo. Bawat prinsipyo sa salita ng Diyos ay may kanyang lugar, bawat katotohanan ay may kaugnayan. At ang kompletong istruktura, ayon sa disenyo at pagkakatayo nito, ay nagdadala ng patotoo sa Mayakda nito. Walang isipan ninuman ang makapag-iisip o makahuhubog sa ganitong istruktura maliban sa isang Walang Hanggan. PnL

Sa pagsasaliksik ng iba’t ibang bahagi at pag-aaral ng kanilang kaugnayan, ang pinakamatayog na bahagi ng isipan ng tao ay tinatawagan para sa isang matinding gawain. Walang sinuman ang maaaring magsagawa ng ganitong pag-aaral na hindi lumalago sa kakayahang pangkaisipan. PnL

At hindi lang ang pagsasaliksik ng katotohanan at pag-uugnay nito sa isa’t isa ang bumubuo sa kahalagahan sa isipan ng pag-aaral Biblia. Binubuo rin ito ng pagsisikap na kinakailangan upang makamit ang temang inihayag. Ang isipang okupado ng mga pangkaraniwan bagay lamang, ay nagiging maliit at mahina. Kung hindi kailanman ginamit upang umunawa ng dakila at pangmatagalang mga katotohanan, ito matapos ang ilang panahon ay nawawalan ng kapangyarihan sa paglago. Bilang isang tagapagsanggalang laban sa paghinang ito, at isang pagganyak sa pag-unlad, walang ano pa man ang makapapantay sa pag-aaral ng salita ng Diyos.— Education, pp. 123, 124. PnL