Pauwi Na Sa Langit

157/364

Ang kautusan Ay banal,Hunyo 6

Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti. Roma 7:12. PnL

Yamang “ang kautusan ay sakdal,” ang bawat pagbabago rito ay masama. Ang mga sumusuway sa kautusan ng Diyos, at nagtuturo sa iba na gawin ito, ay hinatulan ni Cristo. Ang buhay ng pagsunod ng Tagapagligtas ay nagpapanatili sa mga pagaangkin ng kautusan; pinatunayan nitong itong sundin ng sangkatauhan, at ipinakita ang kahusayan ng karakter na pinaunlad ng pagsunod. Lahat ng sumunod gaya ng Kanyang ginawa ay nagpapahayag din na ang kautusan ay “banal, at matuwid, at mabuti.” (Roma 7:12.) Sa kabilang banda, lahat ng sumusuway sa kautusan ng Diyos ay nagpapanatili sa pag-aangkin ni Satanas na di-makatuwiran ang kautusan, at hindi kayang sundin. Kaya kanilang sinang-ayunan ang pandaraya ng dakilang kaaway, at nagbigay ng kawalang-galang sa Diyos. Sila’y mga anak ng balakyot, na siyang unang rebelde sa utos ng Diyos. Ang pagtanggap sa kanila muli sa langit ay magdadala ng mga elemento ng kaguluhan at rebelyon, at maisasapanganib ang kabutihan ng sansinukob. Walang sinumang nagkukusang balewalain ang isang prinsipyo sa kautusan ang papasok sa kaharian ng langit. PnL

Itinuturing ng mga rabi na pasaporte nila sa langit ang kanilang katuwiran; ngunit inihayag ito ni Jesus bilang kulang at di-karapat-dapat. Ang mga panlabas na seremonya at isang kaalamang pang-teorya ng katotohanan ay bumubuo sa katuwiran ng mga Fariseo. Inaangkin ng mga rabi na sila’y banal sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap sa pagsunod sa kautusan; ngunit pinaghiwalay ng kanilang mga gawain ang katuwiran mula sa relihiyon. Bagaman sila’y tapat sa pagsasagawa ng mga ritwal na pagdiriwang, ang kanilang mga buhay ay imoral at masama. Ang tinatawag nilang katuwiran ay hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. PnL

Ang pinakamatinding pandaraya sa isip ng tao noong panahon ni Cristo ay ang basta pagsang-ayon sa katotohanan ang bumubuo ng katuwiran. Sa lahat ng karanasan ng tao, ang isang teoretikal na kaalaman sa katotohanan ay napatunayang di-sapat sa pagliligtas ng kaluluwa. Hindi ito nagdadala ng mga bunga ng katuwiran. Ang isang mapanibughuing pagpansin sa itinuturing na teolohikal na katotohanan ay madalas na may kasamang pagkasuklam sa tunay na katotohanan na makikita sa buhay. Ang pinakamadilim na mga bahagi ng kasaysayan ay napabigatan ng mga tala ng krimen na isinagawa ng mga panatikong relihiyonista. Inaangkin ng mga Fariseo na sila’y mga anak ni Abraham, pinagmamalaki ang kanilang pag-aari sa mga paghahayag ng Diyos; ngunit hindi sila naingatan ng mga kalamangang ito mula sa pagkamakasarili, kasamaan, kasakiman sa pakinabang, at pinakahamak na pagpapaimbabaw. Inakala nilang sila ang ang mga pinakadakilang relihiyonista ng mundo, ngunit ang kanilang tinatawag na ortodokso ay naghahatid sa kanila sa pagpako sa Panginoon ng kaluwalhatian.— The Desire Of Ages, pp. 308, 309. PnL