Pauwi Na Sa Langit
Panalangin At Katapangang Moral, Mayo 30
Kung ang sinuman ay ibig na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Mateo 16:24. PnL
Nangangailangan ng moral na lakas ng loob para makapanindigan sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. May isang kalaban ng katotohanan ang nagsabi minsan na tanging mga taong mahihina ang isip, hangal, mangmang, ang aalis sa mga iglesya para ipangilin ang ikapitong araw bilang Sabbath. Ngunit ganito ang sagot ng isang ministrong tumanggap sa katotohanan, “Kung iniisip mong para lamang ito sa mga taong mahihina ang isip, subukan mo ito.” Nangangailangan ng moral na tapang, katatagan, desisyon, pagtitiyaga, at napakaraming panalangin para makalabas tungo sa di-kilalang panig. Nagpapasalamat tayong kaya nating lumapit kay Cristo gaya ng mga kawawang nagdurusa na lumapit kay Cristo sa templo. Inaasahan nating magiging bahay ng panalangin ang bahay na ito, at mapagtatanto ng mga pumapasok dito na sila’y pumapasok upang katagpuin ang Diyos. Sinabi ni Cristo, “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan ay naroon Ako sa gitna nila.” Hindi namin inaasahang palagi kayong malalaanan ng isang ministro; ngunit kailangan ninyong magkaroon ng ugat sa inyong mga sarili. Kailangan ninyong matutuhang sumalok para sa inyong sarili mula sa bukal ng buhay. Hindi ninyo sinubukang yurakan ang mga kautusan ng Diyos, at lumabas tungo sa di-kilalang katotohanan, hayaan kung anuman ang maging resulta nito. Iiwan ka ba ng Tagapagligtas para makipagpunyaging mag-isa?—Hindi, hindi kailanman. Ngunit kailanman ay hindi Niya sinabi sa Kanyang mga alagad na hindi dapat silang magkaroon ng mga pagsubok, pagtanggi sa sarili na kailangang pagtiisan, at sakripisyong kailangang gawin. Ang Panginoon ay naging isang lalaki ng kalungkutan, at sanay sa pagdadalamhati. “Sapagkat inyong nalalaman ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman Siya’y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan ay maging mayaman kayo.” Nagpapasalamat tayo sa Diyos na sa inyong karukhaan, maaari ninyong tawagin bilang Ama ang Diyos. Dumarating ang kahirapan sa mundong ito, at magkakaroon ng isang panahon ng kapighatian na hindi kailanman pa nangyari simula nang magkaroon ng isang bansa. Magkakaroon ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan, at magtitipon ang mga taong may mapuputlang mga mukha. Maaaring kang makaranas ng paghihirap, at magutom kung minsan, ngunit hindi ka iiwan ng Diyos sa iyong pagdurusa. Susubukan Niya ang iyong pananampalataya. Hindi tayo nabubuhay para paluguran ang ating mga sarili. Narito tayo upang ihayag si Cristo sa mundo, upang katawanin Siya, at ang Kanyang kapangyarihan sa sangkatauhan. . . . Sinusubok tayo ni Cristo ngayon para makita kung tayo’y magiging masunurin sa kautusan ng Diyos gaya Niya, at magiging angkop na kasama ng mga anghel sa langit. Ninanais ng Diyos ang isang tapat bayan.— Review And Herald, September 3, 1895. PnL