Pauwi Na Sa Langit

139/364

Kapangyarihang Ng Lihim Na Panalangin, Mayo 19

Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka. Mateo 6:6. PnL

Magkaroon ng isang lugar para sa lihim na panalangin. Mayroong mga piniling lugar si Jesus para makipag-usap sa Diyos, at gayundin dapat tayo. Kailangan nating mamahinga sa ilang lugar, gaano man ito kapayak, kung saan maaari tayong mapag-isa na kasama ang Diyos. PnL

“Manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim.” Sa pangalan ni Jesus ay maaari tayong lumapit sa presensya ng Diyos na may pagtitiwalang gaya sa isang bata. Hindi na kailangan ng isang mortal para gumanap bilang tagapamagitan. Sa pamamagitan ni Jesus ay maaari nating buksan ang ating mga puso sa Diyos tulad sa isang nakakakilala at nagmamahal sa atin. PnL

Sa lihim na lugar ng panalangin, kung saan walang ibang matang makatitingin kundi ang Diyos, na walang tainga ang makaririnig kundi ang sa Kanya, ay maaari nating ibuhos ang ating pinakatinatagong mga pagnanais at inaasam sa Ama ng walang hanggang awa, at sa katahimikan at lamikmik ng kaluluwa ang tinig na hindi kailanman nabibigong sumagot ng daing ng pangangailangan ng tao ay magsasalita sa ating mga puso. . . . PnL

Yaong mga lihim na naghahanap sa Diyos na nagsasabi sa Panginoon ng kanilang mga pangangailangan at humihingi ng tulong, ay hindi magsusumamo sa walang kabuluhan. “At ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.” Kapag ginawa nating kasama si Cristo araw-araw, madarama nating nasa paligid natin ang mga kapangyarihan ng di-nakikitang mundo; at sa pagtingin kay Jesus, tayo’y magiging katulad ng Kanyang larawan. Mababago tayo sa pamamagitan ng pagtingin. Ang karakter ay napalalambot, nadadalisay, at napararangal para sa kaharian sa langit. Ang tiyak na bunga ng ating pakikipag-usap at pakikisama sa ating Panginoon ay upang madagdagan ang kabanalan, kadalisayan, at pag-aalab. Magkakaroon ng lumalagong katalinuhan sa panalangin. Tayo’y tumatanggap ng makalangit na edukasyon, at ito’y mailalarawan sa isang buhay na masinop at masigasig. PnL

Ang mga kaluluwang lumalapit sa Diyos para sa tulong, suporta, at kapangyarihan, sa pamamagitan ng araw-araw, na mataimtim na panalangin, ay magkakaroon ng marangal na hangarin, malinaw na pang-unawa ng katotohanan at katungkulan, matayog na layunin ng pagkilos, at isang patuloy na pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran. Sa pamamagitan ng patuloy na koneksyon sa Diyos, tayo’y pakikilusin na ibahagi sa iba, sa pamamagitan ng ating pakikisalamuha sa kanila, ang liwanag, kapayapaan, at kahinahunan, na namumuno sa ating mga puso. Ang lakas na natanggap sa pananalangin sa Diyos, na sinamahan ng nagkakaisang pagsisikap sa pagsasanay sa isipan sa pagiging maalalahanin at pag-aaruga, ay naghahanda sa isa para sa pangaraw-araw na mga katungkulan at pinapanatili ang espiritu ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 84, 85. PnL