Pauwi Na Sa Langit

136/364

Ang Lunas Ni Cristo Sa Mga Walang Buhay Na Panalangin, Mayo 16

Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. Santiago 5:16. PnL

Bilang mga mananampalataya kay Cristo kailangan natin ng mas malaking pananampalataya. Marami ang nagtataka kung bakit masyadong walang buhay ang kanilang mga panalangin, masyadong mahina at pabagu-bago ang kanilang pananampalataya, masyadong madilim at di-sigurado ang kanilang karanasang Cristiano. Hindi ba nag-ayuno tayo, ang sinasabi nila, “at lumakad na nagdadalamhati sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?” Sa kapitulo 58 ng Isaias, ipinakita ni Cristo kung paano mababago ang ganitong kondisyon ng mga bagay. Sinabi Niyang, “Hindi ba ito ang ayuno na Aking pinili: na kalagan ang tali ng kasamaan, na kalasin ang mga panali ng pamatok, na palayain ang naaapi at baliin ang bawat pamatok? Hindi ba ito’y upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom, at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Kapag nakakakita ka ng hubad, iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman?” (Mga talatang 6, 7.) Ito ang resipe na iniatas ni Cristo para sa mga kaluluwang nanghihina ang loob, nagdududa, at natatakot. Hayaan silang mga nalulungkot, na lumalakad na may pagdadalamhati sa harap ng Panginoon, ay bumangon at tumulong ang nangangailangan ng tulong. PnL

Nangangailangan ang bawat iglesya ng nangangasiwang kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at ngayon na ang panahon para ipanalangin ito. Ngunit sa lahat ng gawain ng Diyos para sa atin, panukala Niyang makiisa tayo sa Kanya. Sa layuning ito, tinatawagan ng Panginoon ang iglesya na magkaroon ng mas mataas na kabanalan, higit na makatarungang kaisipan ng katungkulan, isang mas malinaw na pagkaalam ng kanilang obligasyon sa kanilang Manlilikha. Tinatawagan Niya silang maging dalisay, pinabanal, at gumagawang bayan. Ang gawaing pagtulong ng Cristiano ay isang paraan upang maisakatuparan ito, sapagkat nakikipag-usap ang Banal na Espiritu sa lahat na gumagawa ng gawain ng Diyos. . . . PnL

Ang lahat ng nilalaman ng langit ay naghihintay sa pagtawag sa bawat kaluluwang gagawa sa gawain ni Cristo. Sa pagtanggap ng bawat miyembro ng ating mga iglesya sa indibidwal na gawaing nakatalaga sa kanila, mapaliligiran sila nang lubos na kakaibang kapaligiran. Isang pagpapala at isang kapangyarihan ang sasama sa kanilang mga gawain. Mararanasan nila ang isang mas mataas na kultura ng isipan at puso. Mapagtatagumpayan ang pagiging makasarili na nagtali sa kanilang mga kaluluwa. Magiging isang buhay na prinsipyo ang kanilang pananampalataya. Lalong mag-aalab ang kanilang mga panalangin. Ibubuhos sa kanila ang bumabago at nagpapabanal na impluwensya ng Banal na Espiritu, at lalo silang malalapit sa kaharian ng langit. PnL

Hindi pinapansin ng Tagapagligtas ang ranggo at uri, makamundong karangalan at kayamanan. Ang karakter at pagtatalaga sa layunin ang may mataas na halaga sa Kanya.— Testimonies For The Church, vol. 6, pp. 266-268. PnL