Ang Aking Buhay Ngayon

124/275

Maging Masigasig sa Mabuting Gawa, 2 Agosto

Siya ang nagbigay ng Kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos Niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa Kanyang sarili ang sambayanang pag-aari Niya na masigasig sa mabuting gawa. Tito 2:14 BN 127.1

Ang mga tagasunod ni Cristo ay tinubos upang maglingkod. Itinuturo ng ating Panginoon na ang totoong layunin ng buhay ay paglilingkod. Si Oisto mismo ay isang manggagawa, at sa lahat ng Kanyang mga tagasunod ibinibigay Niya ang batas ng paglilingkod—paglilingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa. Inilahad ni Cristo sa sanlibutan ang isang mas mataas na kaisipan tungkol sa buhay kaysa anumang nakita dito sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng pamumuhay upang maglingkod sa iba, ang tao ay naiuugnay kay Cristo. Ang batas ng paglilingkod ay nagiging ugnayang nagbibigkis sa atin sa Diyos at sa ating kapwa. BN 127.2

Sa Kanyang mga lingkod ay itinatalaga ni Cristo ang “Kanyang mga ari-arian”—mga bagay na magagamit para sa Kanya. Ibinibigay Niya sa bawat isa ang kanyang gawain. Ang bawat isa ay may lugar sa walang hanggang panukala ng Kalangitan. Ang bawat isa ay dapat gumawang nakikisama kay Cristo para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Ang natatanging lugar na inihanda sa lupa kung saan tayo gagawa para sa Diyos ay kasing tiyak ng lugar na inihanda sa atin sa mga makalangit na mansyon. BN 127.3

At silang magiging mga manggagawa kasama ng Diyos ay dapat magsikap para sa kaganapan ng bawat bahagi ng pangangatawan at kalidad ng pag-iisip. Ang tunay na edukasyon ay paghahanda ng pisikal, mental, at moral na kapangyarihan para sa pagganap sa bawat tungkulin. Ito ay pagsasanay ng katawan, isip, at kaluluwa para sa banal na paglilingkod. . . . BN 127.4

Sa bawat Cristiano humihingi ang Diyos ng paglago sa kasanayan at kakayanan sa bawat linya. Ibinigay na ni Jesus ang ating kabayaran—ang Kanyang sariling dugo at pagdurusa—upang makuha ang ating handang paglilingkod. Dumating Siya sa ating sanlibutan upang magbigay sa atin ng halimbawa kung paano tayo dapat gumawa at kung anong espiritu ang dapat nating dalhin sa ating gawain. Nagnanais Siyang ipakita kung paano mapapalago ang Kanyang gawain sa pinakamabuting paraan at makapagbigay ng kaluwalhatian sa Kanyang pangalan dito sa sanlibutan, na pinuputungan Siya ng kaluwalhatian na may pinakadakilang pag-ibig at pagtatalaga, ang Amang “gayon na lamang ang pag-ibig sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa Kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” BN 127.5