Ang Aking Buhay Ngayon
Gumawang Masikap Para sa Diyos, 3 Agosto
Anunian ang inyong ginagawa ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao. Colosas 3:23 BN 128.1
May malaking gawaing kailangang gampanan para sa ating sanlibutan. Ang mga lalaki at babae ay kinakailangang mahikayat hindi sa pamamagitan ng kaloob ng mga wika o ng paggawa ng mga himala, kundi sa pamamagitan ng pangangaral ni Cristo na napako sa krus. Bakit mo pa ipagpapaliban ang pagsisikap na pabutihin ang sanlibutan? Bakit maghihintay pa para sa kamangha-manghang mga bagay na magagawa, o sa isang mamahaling aparatong ilalaan? . . . Sa lahat ng ating ginagawa, maging ang gawain man natin ay sa pamilihan, sa bukid o sa tanggapan, dapat nating dalhin ang pagsisikap para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. BN 128.2
Ang buhay na ito ay puno ng mga mabiyayang mga pagkakataon, na maaari mong samantalahin sa paggamit ng mga kakayanang ibinigay ng Diyos upang pagpalain ang kapwa at sa pamamagitan nito ay pagpapalain mo ang iyong sarili, na hindi iniisip ang sarili. Ang mga maliliit na pangyayari ay madalas na nagiging pagpapala sa kanyang kumikilos mula sa prinsipyo at nakagawiang paggawa ng tama dahil ito ay tama. Pagsikapan mo ang sakdal na karakter at hayaang ang lahat mong ginagawa, nakikita at pinahahalagahan man o hindi ng mga tao, ay magawa para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos, dahil ikaw ay sa Diyos at tinubos ka Niya sa halaga ng Kanyang sariling buhay. Maging tapat ka sa pinakamaliit at gayundin sa malaki, matuto kang magsalita ng katotohanan at kumilos sang-ayon sa katotohanan sa bawat pagkakataon. Hayaang ang puso ay maisuko nang lubusan sa Diyos. Kapag pinangungunahan ng Kanyang biyaya, gagawa ka ng maliliit na kabutihan, gagampanan ang mga tungkulin na malapit sa iyo, at dadalhin ang lahat ng liwanag sa inyong buhay at karakter na maaaring madala, na ikinakalat ang mga kaloob ng pag-ibig at biyaya sa landas ng buhay. Ang iyong mga gawain ay makaaabot hanggang sa walang hanggan. Ang gawain ng iyong buhay ay makikita sa kalangitan at doon ay mananahan hanggang sa hindi nagmamaliw na mga panahon, dahil ito ay natagpuang mahalaga sa paningin ng Diyos. BN 128.3
_______________
Tandaang anumang bagay na karapat-dapat gawin ay karapat- dapat gawing mabuti. BN 128.4