Ang Aking Buhay Ngayon
Pupunan ng Diyos ang Aking Kailangan, 10 Enero
At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa Kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Filipos 4:19 BN 14.1
Mahirap magkaroon ng buhay na pananampalataya kapag tayo'y nasa kadiliman at panghihina ng loob. Ngunit, sa mga panahong ito nga tayo dapat mas magkaroon ng pananampalataya. “Subalit,” ang wika ng isa, “sa mga pagkakataong ito ay wala akong ganang manalangin nang may pananampalataya.” Kung gayon, hahayaan mo bang makamit ni Satanas ang tagumpay, dahil lamang sa wala kang ganang pigilan siya? Kapag nakikita niyang ikaw ay may malaking pangangailangan ng banal na saklolo, gagawin niya ang pinakamatindi Niyang magagawa upang lupigin nang hindi ka makalapit sa Diyos. Kung magagawa niyang mailayo ka sa Pinagmumulan ng lakas, alam niyang ikaw ay lalakad sa kadiliman at kasalanan. Wala nang mas hihigit na kasalanan kaysa sa kawalan ng pananampalataya. Kapag mayroong kawalan ng pananampalataya sa puso, naroon ang panganib na ito'y maipahayag. Ang mga labi ay dapat maingatan na parang may busal at pamingkaw, baka sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapahayagan ng ganitong kawalan ng pananampalataya ay hindi ka lang makagawa ng isang nakasasamang impluwensya sa iba, ngunit mailagay pa ang iyong sarili sa lugar ng kaaway. BN 14.2
Kung tayo'y nananampalataya sa Diyos, tayo'y naaarmasan ng katuwiran ni Cristo; napanghahawakan natin ang Kanyang lakas.... Nais nating makipag-usap sa ating Tagapagligtas na parang Siya'y nasa tabi natin. . . . BN 14.3
Ito'y pribilehiyo sa ating taglayin ang mga katibayan ng ating pananampalataya—pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan. Kapag ito'y ating ginawa, magagawa nating ipakilala ang mga makapangyarihang katwiran ng krus ni Cristo. Kapag natutuhan nating lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng damdamin, tayo'y magkakaroon ng tulong mula sa Diyos sa panahong kailangan natin ito, at ang Kanyang kapayapaan ay mapapasaating mga puso. Ito ang payak na buhay ng pagsunod na ipinamuhay ni Enoe. Kung matututuhan natin ang liksyon na ito ng payak na pagtitiwala, mapapasaatin ang patotoong kanyang tinanggap, na ang Diyos ay nalugod sa kanya. . BN 14.4
Kung itatalaga natin sa Diyos ang pangangalaga ng ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng buhay ng pananampalataya, hindi tayo mabibigo sa Kanyang mga pangako; sapagkat wala silang hangganan kundi ang ating pananampalataya. BN 14.5