Ang Aking Buhay Ngayon
Walang Nabubuhay Para sa Kanyang Sarili Lamang, 27 Hulyo
Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili. Roma 14:7 BN 121.1
Sa pangkalahatan, ang kabataan ay kumikilos na tila isang kapistahan ang mahahalagang mga oras ng pagsubok kung kailan nananatili pa ang awa ng Diyos. Para bang inilagay sila sa mundong ito para lamang sa kanilang pansariling kaaliwan na dapat punuin ng patuloy na kasiyahan. Si Satanas ay nagsasagawa ng mga natatanging pagsisikap para pangunahan silang maghanap ng kasiyahan sa makamundong kaaliwan at mangatwiran sa pamamagitan ng pagpapakitang ang mga kaaliwang ito ay hindi nakasasama, inosente, at mahalaga para sa kalusugan. BN 121.2
Ang pagnanasa para sa kasiyahan at nakalulugod na kaaliwan ay isang tukso at bitag para sa bayan ng Diyos, lalo't higit sa kabataan. Si Satanas ay patuloy na naghahanda ng mga kagigiliwan ng isip para ito ay mailayo sa banal na gawain ng paghahanda para sa malapit na hinaharap. Sa pamamagitan ng mga makasardibutan, nagsasagawa siya ng mga patuloy na kasiyahan para maakit ang mga walang alam na makisama sa kanilang makamundong kalayawan. May mga palabas, lektura, at iba't ibang uri ng aliwang ginawa para magdala sa pag-ibig sa sanlibutan; at sa pamamagitan ng ganitong pakikisama ang pananampalataya ay napapahina. BN 121.3
Ang mga makamundong kalayawan ay nakagugumon. At para sa kanilang panandaliang kasiyahan marami ang isinasakripisyo ang pakikisama ng Kalangitan, kasama ang kapayapaan, pag-ibig, at kaligayahang ibinibigay nito. BN 121.4
Ang mga Cristiano ay maraming mapagkukunan ng kaligayahan, at maaari nilang sabihin kung aling mga kasiyahan ang makatarungan at matuwid. Maaari nilang tamasahin ang ganitong paglilibang na hindi magpapahina sa kaisipan o magpapadumi sa kaluluwa; iyong hindi hahantong sa kabiguan at mag-iiwan ng malungkot na impluwensya para sirain ang respeto sa sarili o makahadlang sa daan ng kapakinabangan. Kung maisasama nila si Jesus, at makapananatili ng mapanalangining espiritu, sila ay ligtas. BN 121.5
Dahil sa kanilang mataas na pagkakatawag, ang mga kabataan ay dapat na.. .pag-isipang mabuti ang mga landas na tinatahak ng kanilang mga paa, na inaalalang ang iba ay susunod kung saan sila patungo. BN 121.6