Ang Aking Buhay Ngayon

115/275

Ang Pagkakaibigan sa Pagitan Nina Pablo at Timoteo, 24 Hulyo

Kay Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo ]esus na ating Panginoon. . . . BN 118.1

Kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan. 2 Timoteo 1:2, 4 BN 118.2

Mula sa bulwagan ng paghatol ni Cesar, nagbalik si Pablo sa kanyang selda, na nalalamang nagkaroon lamang siya ng maigsing palugit. Alam niyang ang kanyang mga kaaway ay hindi titigil hanggang hindi siya napapatay. Ngunit nalalaman din niyang sa maigsing panahon ang katotohanan ay nagtagumpay. . . . BN 118.3

Sa kanyang pag-upo araw-araw sa malumbay na selda sa loob ng mahabang panahon, at habang nalalaman niyang ang isang salita o pagtango ni Nero ay maaring humantong sa kanyang kamatayan, naisip niya si Timoteo, at nagpasyang ipasundo siya. Kay Timoteo ipinagkatiwala ang pangangalaga sa iglesia sa Efeso, kaya't siya ay naiwan noong isinagawa ni Pablo ang kanyang huling paglalakbay patungong Roma. Sina Pablo at Timoteo ay nabigkis ng pagmamahal na malalim at matibay. Mula pa sa kanyang pagkahikayat, nakibahagi na si Timoteo sa mga gawain at paghihirap ni Pablo, at ang pagkakaibigan ng dalawa ay tumibay at lumalim at higit na naging banal, hanggang si Timoteo ay maging kagaya ng isang anak sa tumatanda at napapagal na alagad at si Pablo naman ay isang minamahal at pinararangalang ama kay Timoteo. Hindi nakapagtatakang sa kanyang kalumbayan at pag- iisa ay nagnais si Pablo na makita siya. BN 118.4

Sa pinakamabuting kalagayan, ilang buwan muna ang kailangang lumipas bago makarating si Timoteo sa Roma mula sa Asya Menor. Alam ni Pablo na walang katiyakan ang kanyang buhay, at nangangamba siyang mahuli si Timoteo sa kanyang pagdating para makita niya. Mayroon siyang mahahalagang mga payo at tagubilin para sa kabataang pinagkatiwalaan niya ng napakabigat na responsibilidad. At habang inuudyukan siyang magmadali sa pagdating, idinikta niya ang patotoo ng isang malapit nang mamatay na maaaring hindi na niya maibigay nang personal. Ang kanyang kaluluwa ay napuno ng pagmamahal para sa kanyang anak sa ebanghelyo at para sa iglesiang nasa ilalim ng kanyang pangangalaga. Nagsikap si Pablo na maidiin kay Timoteo ang katapatan sa kanyang banal na tungkulin. . . . Tinapos ni Pablo ang kanyang liham sa pagtatalaga sa kanyang minamahal na si Timoteo sa pangangalaga ng Pangunahing Pastol na, bagaman ang pastol na nasa Kanyang ilalim ay bumagsak, ay patuloy pa ring mangangalaga sa Kanyang kawan. BN 118.5