Ang Aking Buhay Ngayon

114/275

Si Jesus at ang Kanyang mga Kaibigan sa Betania, 23 Hulyo

Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro. Juan 11:5 BN 117.1

May isang tahanang natutuwa Niyang dalawin—ang tahanan ni Lazaro, Maria, at Marta; sapagkat sa kapaligiran ng pananampalataya at pag-ibig, nagkaroon ng kapahingahan ang Kanyang espiritu. BN 117.2

Kasama sa pinakamatapat na mga alagad ni Jesus si Lazaro ng Betania. Mula sa kanilang unang pagkikita, ang kanyang pananampalataya kay Cristo ay naging malakas; ang kanyang pag-ibig para sa Kanya ay malalim, at siya ay minahal na mabuti ng Tagapagligtas. Ang pinakadakila sa mga himala ni Cristo ay isinagawa para kay Lazaro. Pinagpala ng Tagapagligtas ang lahat ng humingi ng Kanyang tulong. Iniibig Niya ang buong sangkatauhan; ngunit sa iilan Siya ay nauugnay ng matimtimang pakikisama. Ang Kanyang puso ay natali ng matibay na pambigkis ng pagmamahal sa pamilya sa Betania, at para sa isa sa kanila naganap ang pinakakamangha-mangha Niyang gawain. BN 117.3

Sa tahanan ni Lazaro, madalas na nakatagpo si Jesus ng kapahingahan. Ang Tagapagligtas ay walang sariling tahanan. Siya ay umaasa sa pagtanggap ng Kanyang mga kaibigan at mga alagad; at madalas, kapag napapagal at nauuhaw para sa pakikisama, nalulugod Siyang tumakas patungo sa mapayapang tahanan na malayo sa paghihinala at pagkainggit ng mga galit na mga Fariseo. Dito nakatagpo Siya nang tapat na pagtanggap, isang dalisay at banal na pagkakaibigan. Dito makapagsasalita Siyang may kapayakan at ganap na kalayaan, na nalala mang ang Kanyang mgasalita ay mauunawaan at pahahalagahan. BN 117.4

Ang ating Tagapagligtas ay nagagalak sa isang mapayapang tahanan at mga handang tagapakinig. Nagnanasa Siya para sa magiliw, magalang, at mapagmahal na pakikisama mula sa tao. Silang tumanggap sa makalangit na pagtuturo na lagi Siyang nagagalak na ibigay ay pagpapalain. . . . Ang karamihan ay mabagal sa pakikinig, at sa tahanan sa Betania, si Cristo ay nakatagpo ng kapahingahan mula sa nakapapagal na pakikipagpunyagi. Binuksan Niya sa mga interesadong tagapakinig ang aklat ng Kabutihan. Sa mga pribadong pakikipag-usap na mga ito, inilahad Niya sa Kanyang mga tagapakinig iyong hindi Niya sinikap na sabihin sa magkakahalong karamihan. Hindi Niya kinailangang magsalita sa pamamagitan ng mga talinghaga sa Kanyang mga kaibigan. BN 117.5