Ang Aking Buhay Ngayon
May Layunin ang Diyos sa Bawat Kahirapan, 30 Marso
Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang katakatakang bagay na nangyayari sa inyo. Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag. 1 Pedro 4:12,13 BN 93.1
Isang gabi, isang lalaking nalulumbay dahil sa malalim na kahirapan ang naglalakad sa isang hardin kung saan niya namatyagan ang isang puno ng pomegranate na halos nahiwa hanggang sa katawan. Sa labis na pagtataka, tinanong niya ang hardinero kung bakit nagkaganito ang puno, at tumanggap siya ng kasagutang nakapagpaliwanag sa kanyang kapanatagan tungkol sa mga sugat ng kanyang nagdurugong puso. “Ginoo,” sabi ng hardinero, “Mabilis na umusbong ang punong ito kaya walang ibang bunga ito kundi mga dahon lang. Napilitan akong putulin nang ganito; at nang halos mahati na, nagsimula itong mamunga.” BN 93.2
Ang ating mga kalungkutan ay hindi tumutubo mula sa lupa. Sa bawat kahirapan ay may layunin ang Diyos na gumawa para sa ikabubuti natin. Ang bawat hampas na sumisira sa isang diyus-diyosan, bawat ibinibigay na nagpapahina sa ating panghawak sa sanlibutan at inilalakip nang higit na matibay ang ating damdamin sa Diyos, ay isang pagpapala. Maaaring maging masakit sa ilang panahon ang ganitong pagpuputol, ngunit pagkatapos ito ay “ magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran.” Dapat nating tanggapin nang may pagpapasalamat anuman ang magpapatalas sa konsiyensya, makapagpapaangat sa pag-iisip, at makapagpaparangal sa buhay. Ang sangang walang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. Magpasalamat tayo na sa pamamagitan ng masakit na pagpuputol, maaari nating mapanatili ang pagkakaugnay sa nabubuhay na Puno; sapagkat kung tayo'y magdudusa kasama ni Cristo, tayo rin ay maghaharing kasama Niya. Iyong mga pinakamahirap na pagsubok para sa ating pananampalataya at tila nagpapaisip sa ating pinabayaan na ng Diyos ay siya ring maghahatid para mas lalo pa tayong mapalapit sa Kanya, upang ilagak natin ang lahat ng ating pasanin sa paanan ni Cristo at maranasan ang kapayapaan na ibibigay Niyang kapalit nito . . . . Umiibig at nagmamalasakit ang Diyos sa pinakamahina Niyang mga nilalang, at hindi natin Siya masasaktan pa nang higit kaysa sa pag-aalinlangan sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Linangin natin iyong nabubuhay na pananampalatayang magtitiwala sa Kanya sa oras ng kadiliman at pagsubok! BN 93.3