Ang Aking Buhay Ngayon
Pinapahintulutan ng Diyos ang mga Pagsubok at Kahirapan Upang Ako'y Dalisayin, 29 Marso
Ngunit sino.ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya’y tulad sa apoy na nagdadalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi. Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon. Malakias 3:2,3 BN 92.1
Nagaganap ngayon sa gitna ng bayan ng Diyos ang isang proseso ng pagpapadalisay, at itinalaga ng Panginoon ng mga hukbo ang'Kanyang kamay sa gawaing ito. Ang prosesong ito ay napakahirap sa kaluluwa, ngunit kailangan upang maalis ang karumihan. Ang mga pagsubok ay kailangan upang tayo ay mapalapit sa ating Ama sa langit, sa pagpapasakop sa Kanyang kalooban, upang tayo ay makapaghandog sa Panginoon ng isang alay sa katuwiran. ... Paulit-ulit na dinadala ng Panginoon ang Kanyang mga anak sa landas ding iyon, na hinihigpitan Niya hanggang sa mapuno nang ganap na pagpapakumbaba ang kaisipan at ang mabago ang paguugali. Sa ganitong kaparaanan sila ay nagkakaroon ng tagumpay sa kanilang mga sarili at ng pakikipagkasundo kay Cristo at sa Espiritu ng kalangitan. Hindi magaganap ang pagpapadalisay ng bayan ng Diyos na walang paghihirap.... Idinadaan Niya tayo mula sa isang apoy hanggang sa isa pa, sinusubukan ang ating tunay na halaga. Ang tunay na biyaya ay nakahandang subukin. Kung ayaw nating saliksikin ng Panginoon, tayo'y nasa isang mapanganib na kalagayan.... BN 92.2
Sa kahabagan ay inilalahad ng Panginoon ang mga nakatagong kasiraan nila. Nais Niyang pansinin nilang mabuti ang masasalimuot na damdamin at motibo ng kanilang mga sariling puso, at makita iyong mali, at baguhin ang kanilang pag-iisip at ayusin ang kanilang mga gawi. Nais ng Diyos na makilala ng Kanyang mga lingkod ang sarili nilang mga puso. Upang madala sila sa tunay na pagkakaalam ng kanilang kalagayan, pinahihintulutan Niya ang apoy ng kahirapang lusubin sila, upang sila'y maging dalisay. Ang mga pagsubok ng buhay ay mga manggagawa ng Diyos upang alisin ang mga karumihan, kahinaan, at kagaspangan mula sa ating mga karakter, at mahanda tayo sa pakikisama ng mga dalisay at makalangit na mga anghel sa kaluwalhatian. . . . Hindi tayo uubusin ng apoy. Kundi tatanggalin lamang ang masama, at tayo'y hahayong pitong beses na dinalisay na nagtataglay ng tatak ng Banal. BN 92.3