Ang Aking Buhay Ngayon
Manampalataya sa Diyos, 6 Enero
Magtiwala kayo sa Panginoon magpakailanman, sapagkat ang Panginoong Diyos ay isang batong walang hanggan. Isaias 26:4 BN 10.1
Nasa Kanya ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian, ang tagumpay, at ang kamaharlikaan. Huwag nating limitahan ang Isang Banal ng Israel.... BN 10.2
Anong dakilang mapagkukunang maaari nating balingan sa lahat ng panahon ng kagulumihanan. Hindi kinakailangang magkaroon ng pag-aalinlangan sa puso! Ang tao'y nagkakamali, matigas ang ulo, mapanghimagsik at mapanlaban maging sa Diyos; ngunit ang Panginoon ay mabuti at matiyagang may magiliw na pagmamahal. Nasa Kanyang kapangyarihan ang langit at lupa, at nalalaman Niya ang ating pangangailangan bago pa natin ipakita sa Kanya ang ating mga pangangailangan at mga ninanasa. BN 10.3
Maigsi lamang ang daang nakikita natin sa ating harapan; samantalang “ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata Niyang ating pagsusulitan.” Kailanman ay hindi Siya malilito. Siya ay nakaluklok sa ibabaw ng lahat ng kalituhan at pagkabalisa ng sanlibutan, at ang lahat ng bagay ay bukas sa Kanyang banal na pagsisiyasat; at mula sa Kanyang dakila at mapayapang kawalang-hangganan maaari Niyang ayusin ahg mga bagay sang-ayon sa nakikita Niyang pinakamabuti. BN 10.4
Kung tayo'y pababayaang magpanukala sa ating sarili, maaari tayong magkamali. Ang ating masasamang palagay, mga kahinaan, mga panlilinlang sa sarili, at mga kamangmangan ay malalahad sa maraming paraan. Ngunit ang gawain ay sa Panginoon, ang pakikipaglaban ay sa Kanya; hindi Niya iiwanan ang Kanyang mga manggagawang walang banal na mga direksyon.., BN 10.5
Anumang mga pasanin ang pinapasan, ilagak ang mga ito sa Panginoon. Siyang nag-iingat sa Israel ay hindi natutulog o nahihimlay man. Mamahinga sa Diyos. Iingatan siya sa ganap na kapayapaan, na ang pag-iisip ay nananatili sa Diyos. BN 10.6
May mga panahong parang hindi mo na kaya ang isa pang hakbang. Maghintay at kilalaning “Ako ang Diyos.” “Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”.. . Kailangan nating pakaingatan ang pananampalataya. BN 10.7
_______________
Kailangang mong matutuhan ang payak na sining ng pagtitiwala sa Diyos sa Kanyang Salita; kung magkagayon magkakaroon ka ng matibay na pundasyon sa iyong buhay. BN 10.8