Ang Aking Buhay Ngayon

5/275

Huminging May Pananampalataya, 4 Enero

Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat nahinihipan at ipinapadpad ng hangin. Santiago 1:6 BN 8.1

Pribilehiyo at tungkulin nating tumanggap ng liwanag mula sa kalangitan, upang ating mawatasana ng mga pakana ni Satanas, at makamit ang lakas upang labanan ang kanyang kapangyarihan. Ibinigay na sa atin ang kakailanganin upang magkaroon ng malapit na koneksyon kay Cristo at upang tamasahin ang walang patid na proteksyon ng mga anghel ng Diyos. Ang ating pananampalataya ay dapat umabot sa tabing kung saan pumasok si Jesus para sa atin. Dapat nating hawakan nang may mas mahigpit na pagkakakapit ang hindi nagmamaliw na mga pangako ng Diyos. Dapat tayong magtaglay ng pananampalatayang hindi matatanggihan, pananampalatayang panghawakan ang mga hindi nakikita, pananampalatayang matibay at hindi matitinag. Ang ganitong pananampalataya ay magdadala ng mga biyaya ng kalangitan sa ating mga kaluluwa. Ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos na sumisikat sa mukha ni Cristo ay maaaring lumiwanag sa atin, at umaninag sa lahat ng nakapaligid, upang tunay na masabi sa ating, “Kayo ang ilaw ng sanlibutan.” At ang kaugnayang ito ng ating kaluluwa kay Cristo ang natatanging makapagdadala ng liwanag sa sanlibutan. Kung hindi dahil sa koneksyong ito, ang mundo ay maiiwan sa ganap na kadiliman.... Kung gaano kalalim ang nakapalibot na karimlan, dapat higit ang pagliliwanag ng ilawan ng Cristianong pananampalataya at Cristianong halimbawa. BN 8.2

Ang katotohanang nananaig ang kawalan ng pananampalataya, at kumakalat ang katampalasanan sa paligid, ay di dapat maging dahilan para manlamlam ang ating pananampalataya at mangatal ang ating tapang.... Kung buong puso nating hahanapin ang Diyos, kung tayo'y gagawang may gayimding determinadong kasigasigan, at maniniwala ng may gayong pananampalatayang hindi sumusuko, magliliwanag sa atin ang liwanag ng langit, kagaya ng pagpapakita nito sa matapat na si Enoc. BN 8.3

Nawa'y maikintal ko sa lahat ang kahalagahan ng paggamit ng pananampalataya sa bawat saglit at sa bawat oras! Dapat tayong mamuhay ng buhay na may pananampalataya; dahil “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.” Ang ating kalakasang espirituwal ay nakasalalay sa ating pananampalataya. BN 8.4