Ang Aking Buhay Ngayon
Pagtitiyaga, 17 Pebrero
Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak. Colosas 1:11 BN 52.1
Ang pag-ibig ang siyang kautusan sa kaharian ni Cristo. Tinatawagan ng Panginoon ang bawat isang abutin ang mataas na pamantayan. Ang buhay ng Kanyang sambayanan ay dapat na makapaghayag ng pag-ibig, kaamuan, at pagtitiyaga. Ang pagtitiyaga ay nagtitiis sa ilang bagay, oo, maraming mga bagay, na hindi naglalayong gumanti sa pamamagitan ng salita o gawa. BN 52.2
Ang “pagtitiyaga” ay pagtitiis sa pagkakasala. Kung ikaw ay nagtitiyaga, hindi ka maglalahad sa iba ng nalalaman mo tungkol sa mga pagkakamali ng iyong kapwa. Magsisikap kang matulungan at mailigtas siya dahil siya'y tinubos ng dugo ni Cristo. “Sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.” “Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.” Ang pagtitiyaga ay hindi kalumbayan at kalungkutan, sama ng loob at katigasan ng puso; ito'y kabaligtaran ng mga ito. BN 52.3
Sikapin ninyong mabuhay nang payapa na kasama ang lahat, at bayaan ang impluwensyang bumabalot sa kaluluwa mo'y maging matamis at mahalimuyak. Naririnig ng Panginoon ang bawat maling pananalitang binibigkas. Kung lalabanan mo ang likas na pag-uugali ng tao, susulong ka sa gawain ng pagtatagumpay sa mga minana at nilinlang na pagkahilig sa kamalian. Sa pamamagitan ng pagtitiis at pagtitiyaga, malaki ang magagawa mo. Alalahanin mong hindi ka maipapahiya ng mga maling bintang ng ibang tao, ngunit kung mali ang iyong pagtugon, mawawala ang tagumpay na sana ay napasa iyo. Maging napakaingat ka sa iyong pananalita. BN 52.4
Ang pagtitiis at kawalan ng pagkamakasarili ay tumatatak sa mga salita at gawa nilang mga ipinanganak muli upang isabuhay ang bagong buhay kay Cristo. BN 52.5