Ang Aking Buhay Ngayon
Kagalakan at Kapayapaan, 16 Pebrero
Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Roma 15:13 BN 51.1
Itinalaga ng Panginoon na ang bawat kaluluwang sumusunod sa Kanyang Salita ay magtataglay ng Kanyang kagalakan, Kanyang kapayapaan, Kanyang patuloy na kapangyarihang nag-iingat. Ang mga lalaki at babaing ito'y palaging lumalapit sa Kanya, hindi lang kapag sila'y lumuluhod sa Kanyang harapan sa panalangin, kundi sa tuwing ginagampanan nila ang mga tungkulin ng buhay. Inihanda Niya para sa kanila ang isang lugar kasama Niya, kung saan ang buhay ay pinapadalisay mula sa lahat ng karumaldumal, sa lahat ng kapangitan. Sa pamamagitan ng walang tigil na pakikipagtalastasan sa Kanya, sila'y nagiging kamanggagawa Niya sa gawain ng kanilang buhay. BN 51.2
Hindi mailalarawan ang kapayapaan at kagalakang taglay niyang nagtitiwala sa Diyos. Ang mga kahirapan ay hindi nakagagambala sa kanya, ang mga masasamang gawa laban sa kanya ay hindi nakayayamot sa kanya. Ang sarili ay napako sa krus. Araw-araw ang kanyang mga tungkulin ay pahirap nang pahirap, ang mga panunukso ay lumalakas, ang mga kahirapan ay lumalala; ngunit hindi siya nanghihina dahil tumatanggap siya ng kalakasan na sapat para sa pangangailangan. BN 51.3
Silang natututo sa paanan ni Jesus ay magiging halimbawa ng karakter ni Cristo sa pamamagitan ng kanilang pagkilos at pananalita.... Ang kanilang karanasan ay minarkahan ng mas kaunting pagkaabala at katuwaan kaysa kontrolado at banal na kagalakan. Ang kanilang pag-ibig para kay Cristo ay isang matahimik at mapayapa ngunit namamahalang kapangyarihan. Ang ilaw at pag-ibig ng Tagapagligtas na nananahan sa kalooban ay nahahayag sa bawat salita at bawat pagkilos. BN 51.4
May mga pagkakataong ang biyaya ng Diyos ay ibinigay bilang sagot sa panalangin, na anupa't kapag ang ibang tao ay pumasok sa silid agad nilang binibigkas, “Narito ang Panginoon!” Walang salitang binigkas tungkol dito ngunit ang presensya ng Diyos ay naramdaman. Naroon ang kagalakan na nagmumula kay Jesu-Cristo; at sa ganitong kalagayan para na ring naroon mismo sa silid ang Panginoon na gaya ng Kanyang paglakad sa mga kalsada ng Jerusalem, o sa Kanyang pagpapakita sa mga alagad noong sila'y nasa silid sa itaas, at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” BN 51.5