Ang Aking Buhay Ngayon

46/275

Upang Luwalhatiin si Cristo sa Akin, 14 Pebrero

Luluwalhatiin niya ako, sapagkat kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag niya. Juan 16:14 BN 49.1

Sa mga pananalitang ito inihahayag ni Cristo ang pinakadakilang gawain ng Banal na Espiritu. Si Cristo ay ginagawang layon ng pinakamataas na pagsasaalang-alang ng Espiritu, at ang Tagapagligtas ay nagiging ligaya at kasiyahan ng taong sa puso niya ay naisagawa ang ganitong pagbabago.... BN 49.2

Ang pagsisisi at pananampalataya kay Cristo Jesus ay ang mga bunga ng nakapagpapanibagong kapangyarihan ng biyaya ng Espiritu. Ang pagsisisi ay kumakatawan sa proseso kung saan ang kaluluwa ay nagsisikap na maitanyag ang wangis ni Cristo sa sanlibutan. BN 49.3

Ibinibigay ni Cristo sa kanila ang hininga ng Kanyang sariling Espiritu, ang buhay ng Kanyang sariling buhay. Inilalabas ng Banal na Espiritu ang lubusang kalakasan nito upang gumawa sa puso at isipan. Pinalalaki at pinararami ng biyaya ng Diyos ang kanilang mga kakayahan, at ang bawat kaganapan ng likas na makadiyos ay dumarating upang tumulong sa gawain ng pagliligtas sa mga kaluluwa. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan kay Cristo sila ay magiging ganap sa Kanya, at sa kanilang kahinaan sila'y makagagawa ng mga gawain ng Diyos. BN 49.4

Nararapat na maging gawain ng buhay Cristiano ang pagsusuot kay Cristo at mapasakanya ang ganap na pagiging katulad ni Cristo. Ang mga anak ng Diyos ay dapat na sumulong sa kanilang pagkahawig kay Cristo na Siyang ating tularan. Araw-araw sila'y titingin sa Kanyang kaluwalhatian at pagmasdang mabuti sa Kanyang walang kapantay na kadakilaan. BN 49.5

Nawa'y ang bautismo ng Banal na Espiritu ay mapasainyo upang kayo ay mapuno ng Espiritu ng Diyos! Kung magkagayon arawaraw kayo ay magiging lalo pang kasang-ayon sa wangis ni Cristo, at sa bawat pagkilos ng inyong buhay ang katanungan ay magiging, “Makaluluwalhati ba ito sa aking Panginoon?” Sa pamamagitan ng matiyagang pagpapatuloy sa mabubuting gawa hahanapin ninyo ang luwalhati at karangalan, at matatanggap ninyo ang kaloob ng buhay na walang-hanggan. BN 49.6