Ang Aking Buhay Ngayon

38/275

Ang Espiritu ng Propesiya—Isang Kaloob Para sa Akin, 6 Pebrero

Ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya. Apocaupsis 19:10 BN 41.1

Nagagalak ang Diyos na maghayag ng Kanyang katotohanan sa sanlibutan sa pamamagitan ng mga tao, at Siya mismo, sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu, ay nagbigay kasanayan sa mga tao upang magawa nila ang ganitong gawain. Ginabayan Niya ang kaisipan sa pagpili kung ano ang sasabihin at isusulat. Ang kayamanan ay ipinagkatiwala sa mga sisidlang makalupa, ngunit ito'y nagmula pa rin sa Kalangitan. Ang patotoo ay inihahatid sa hindi perpektong paghahayag ng lengguwahe ng tao, ngunit ito'y patotoo pa rin ng Diyos; at ang masunurin at mananampalatayang anak ng Diyos ay nakakakita dito ng kaluwalhatian ng isang banal na kapangyarihan na puno ng biyaya at katotohanan. BN 41.2

Sa Kanyang Salita, ibinigay ng Diyos sa mga tao ang kaalaman na sapat para sa kanilang kaligtasan. Ang Banal na Kasulatan ay nararapat na tanggapin bilang makapangyarihan at hindi nagkakamaling kapahayagan ng Kanyang kalooban. . . . BN 41.3

Sa paghahayag sa pamamagitan ng marami at iba't ibang mga tao, ang katotohanan ay nahayag sa sari-saring aspekto nito. Ang isang bahagi ng paksa ay higit na nakakukuha ng pansin ng isang manunulat. Nakukuha ng manunulat iyong mga puntong nababagay sa kanyang karanasan o sa kanyang pananaw at pag-unawa. Ang ibang manunulat naman ay napupukaw ng ibang bahagi ng paksa at ang bawat isa, sa paggabay ng Banal na Espiritu, ay naghahayag ng higit na tumatak sa kanyang isip—ibang aspekto ng katotohanan sa bawat isa, ngunit may sakdal na pagkakasundo sa lahat. At ang mga katotohanan na nahayag sa ganitong paraan ay bumubuo ng isang perpektong kabuuan na angkop upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa bawat kalagayan at karanasan ng buhay. . . . BN 41.4

Ngunit sa kabila ng katotohanan na inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang Salita, hindi pa rin nawala ang pangangailangan sa patuloy na presensya at paggabay ng Banal na Espiritu. Taliwas dito, ang Espiritu ay ipinangako ng ating Tagapagligtas, upang buksan ang Salita sa Kanyang mga lingkod, upang maipaliwanag at iangkop ang mga turo nito sa kabuhayan. At dahil ang Espiritu rin ang nagbigay inspirasyon sa Biblia, kailanman ay imposibleng maging salungat sa Salita ang katuruan ng Espiritu. BN 41.5