Ang Aking Buhay Ngayon

39/275

Manampalataya at Lumago, 7 Pebrero

Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay. 2 Cronica 20:20 BN 42.1

Ang liwanag ng propesiya ay patuloy na nag-aalab para sa mga kaluluwa, at sinasabi nito, “Ito ang daan, lakaran ninyo.” Ito'y nagliliwanag sa daan ng matuwid upang pumuri, at sa daan ng masama upang sila ay dalhin sa pagsisisi at pagkahikayat. Sa pamamagitan nito ang kasalanan ay masasaway at ang kasamaan ay malalantad. Ito'y sumusulong sa pagtupad sa kanyang tungkuling pagliwanagin ang nakalipas, ang kasalukuyan, at ang kinabukasan. BN 42.2

Kung iyong mga tumanggap sa katotohanan ay magpapahalaga at magbibigay galang sa mga patotoo ng Panginoon, makikita nila ang buhay na espirituwal sa panibagong liwanag. Sila'y masusumbatan. Makikita nila ang susing nagbubukas sa mga misteryong hindi nila nauunawaan kailanman. Panghahawakan nila ang mga mahahalagang bagay na ibinigay sa kanila ng Diyos upang sila'y magkaroon ng kabutihan mula dito at malilipat mula sa kaharian ng kadiliman patungo sa nakamamanghang liwanag ng Diyos. BN 42.3

Silang bumabalewala sa mga babala ay maiiwan sa pagkabulag upang linlangin ang kanilang sarili. Ngunit iyong susunod dito, at masugid na gagawin ang paglayo sa kanilang mga kasalanan upang matamo ang mga kinakailangang biyaya, ay magbubukas ng pintuan ng kanilang puso upang makapasok ang Tagapagligtas at manahang kasama nila. BN 42.4

Siya [ang Diyos] ay gumawa ng probisyon upang ang lahat ay maging banal at maligaya kung kanilang pipiliin. May sapat na liwanag na nabigay sa henerasyong ito upang matutuhan natin ang ating mga tungkulin at pribilehiyo at tamasahin ang mga mahahalaga at banal na katotohanan sa kanilang kapayakan at kapangyarihan. BN 42.5

Tayo ay sisingilin lang doon sa liwanag na sumisilang sa atin. Sinusubukan tayo ng mga utos ng Diyos at mga patotoo ni Jesus. Kung tayo ay magiging tapat at masunurin, malulugod ang Diyos sa atin, at pagpapalain tayo bilang Kanyang sariling pinili at natatanging sambahayan. Kapag ang ganap na pananampalataya at sakdal na pag-ibig at pagsunod ay sumasaganang gumagawa sa mga puso nilang mga tagasunod ni Cristo, magkakaroon sila ng makapangyarihang impluwensya. BN 42.6