Ang Aking Buhay Ngayon
Para sa Pagkakaisa ng mga Banal, 4 Pebrero
Kaya't ako ... ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag, na may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig; na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. Efeso 4:1-3 BN 39.1
Nasa ilalim ng batas ang mga bituin sa langit na ang bawat isa ay humihikayat sa ibang gawin ang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay nagkakaisa sa pagsunod sa kautusan na nagpapakilos sa kanila. At upang sumulong ang gawain ng Panginoon na may kalusugan at kabuuan, kailangang magkaisa ang Kanyang bayan. BN 39.2
Ang paudlut-udlot at pasumpong-sumpong na pagkilos ng ilan na nag-aangking Cristiano ay inilalarawang mabuti ng mga malalakas ngunit hindi sinanay na mga kabayo. Habang ang isa ay sumusulong ang isa pa ay umaatras, at sa tinig ng kanilang amo, ang isa ay nauuna habang ang isa pa ay hindi kumikilos. Kung ang mga tao ay hindi kikilos na may pagkakaisa sa malaki at dakilang gawain para sa kapanahunang ito, magkakaroon ng kalituhan. . . . Kapag isinuot ng mga tao ang pamatok ni Cristo, hindi maaaring sila ay maghiwalay; hihilahin nila ang pasanin na kasama si Cristo. . . . BN 39.3
Sa propeta, ang gulong sa loob ng gulong, ang anyo ng mga nabubuhay na nilalang na nakaugnay sa kanila, ang lahat ay tila masalimuot at hindi maipaliwanag. Ngunit ang kamay ng walang hanggang kaalaman ay nakikita sa gitna ng mga gulong, at ang bunga ng gawain nito ay sakdal na kaayusan. Ang bawat gulong na ginagabayan ng kamay ng Diyos ay umaandar na may pagkakasundo sa iba pang mga gulong. BN 39.4
Sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu, ang pinakamagkasalungat ay maaaring maibalik sa pagkakaisa. Ang pagiging di-makasarili ang siyang magbubuklod sa mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga pambigkis na matibay ngunit may kahabagan. Mayroong napakalawak na kapangyarihan sa iglesia kapag ang mga kalakasan ng mga miye mbro ay nasa ilalim ng paggabay ng Espiritu na tinitipon ang kabutihan mula sa bawat pinanggagalingan, nagbibigay ng kaalaman at kasanayan at dinidisiplina ang sarili. Sa ganitong kaparaanan, ang isang makapangyarihang samahan ay naihahandog sa Diyos at magagamit Niya upang makagawa para sa paghikayat ng mga makasalanan. Sa ganitong paraan ang langit at lupa ay nauugnay at ang lahat ng mga anghel ng Diyos ay nakikipagtulungan sa mga tao. BN 39.5