Ang Aking Buhay Ngayon
Upang Ihanda ang mga Banal, 3 Pebrero
Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Gristo. Efeso 4:11-13 BN 38.1
Kinakailangang gamitin ang lahat ng mga kaloob na ito. Ang bawat tapat na manggagawa ay maglilingkod para maihanda ang mga banal.... Mayroong gawain para sa bawat isa. Ang bawat kaluluwang tumatanggap sa katotohanan ay nararapat na tumayo sa kanyang lugar at magsabi: “Narito ako; suguin mo ako!”... Bigyan ang bawat isa ng gawain para sa kanyang kapwa. Tulungan ang lahat na makita na, bilang tagatanggap ng biyaya ni Cristo, may obligasyon silang gumawa para sa Kanya. Ang lahat ay turuan kung paano maglingkod. Higit na kailangan na ang mga bago sa pananampalataya ay maturuan na maging mga manggagawa kasama ng Diyos. Sa madaling panahon ay malilimutan ng mga nalulumbay ang kanilang kalungkutan kung sila ay bibigyan ng gawain; ang mga mahihina ay magiging malakas, ang mga walang kaalaman ay magiging matalino, at lahat ay maihahanda na maglahad ng katotohanan sang-ayon kay Jesus. Makatatagpo sila ng laging handang tulong sa Kanyang nangakong magliligtas sa lahat ng lumalapit sa Kanya. BN 38.2
Ang impluwensya ng Banal na Espiritu ay kailangan upang ang gawain ay maging maayos at sumulong nang mabuti sa bawat linya. BN 38.3
Ang katotohanan para sa kapanahunang ito'y sumasakop sa buong ebanghelyo. Kung maihayag nang wasto, gagawin nito sa tao ang mga pagbabago na magpapakita ng kapangyarihan ng biyaya ng Diyos sa puso. Makagagawa ito ng lubos na gawain at makalilinang ng buong pagkatao. BN 38.4
Sinasabi ng Diyos na tayo ay maging sakdal kung paanong Siya ay sakdal—sa katulad na pamamaraan. Tayo ay kailangang maging sentro ng liwanag at pagpapala sa ating maliliit na samahan, katulad Niya sa buong sansinukob. Wala tayong taglay sa ating sarili maliban sa liwanag ng Kanyang pag-ibig na umiilaw sa atin, at kailangan nating mapakita sa iba ang liwanag na ito. . . . Maaari tayong maging sakdal sa ating lugar na gaya naman Niyang sakdal sa Kanyang nasasakupan. BN 38.5