Ang Aking Buhay Ngayon

34/275

Sa Bawat Isa Ay May Kaloob na Nabigay, 2 Pebrero

Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Efeso 4:7 BN 37.1

Ang mga talentong ipinagkakatiwala ni Cristo sa Kanyang iglesia ay kumakatawan sa mga kaloob at pagpapalang ibinibigay ng Banal na Espiritu. “Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba ay ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu, sa iba ay pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba ay ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu. Sa iba ay ang paggawa ng mga himala, sa iba ay propesiya, sa iba ay ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba ay iba't ibang wika, at sa iba ay ang pagpapaliwanag ng mga wika. Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.” Hindi nakatatanggap ng magkakatulad na mga kaloob ang mga tao, ngunit sa bawat lingkod ng Panginoon ay may kaloob ng Espiritu na ipinangako. BN 37.2

Bago Niya iniwan ang Kanyang mga alagad, “sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.’” Muli sinabi Niya, “Tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama.”... “Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo,” ang Espiritu “na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.” Ang mga kaloob ay nasa atin na kay Cristo, ngunit ang tunay na pag-aari ng mga ito ay nakasalalay sa ating pagtanggap ng Espiritu ng Diyos. BN 37.3

Hindi hinihingi ng Diyos sa atin na gawin sa sarili nating kalakasan ang gawaing nasa harap natin. Siya ay nagbigay ng banal na tulong para sa lahat ng pangangailangan na hindi mapapantayan ng ating makataong mapagkukunan. Ibinibigay Niya ang Banal na Espiritu upang tumulong sa bawat kahirapan, upang palakasin ang ating pagasa at katiyakan, upang paliwanagin ang ating mga isipan at dalisayin ang ating mga puso.... Walang hangganan ang kabutihang magagawa ng isang tao na, sa nagsasantabi ng kanyang sarili, nagbibigay puwang para makagawa ang Banal na Espiritu sa kanyang puso at nabubuhay na may lubos na pagtatalaga sa Diyos.... Ipinahayag ni Cristo na ang makadiyos na impluwensya ng Espiritu ay sasama sa Kanyang mga tagasunod hanggang sa wakas. BN 37.4