Ang Aking Buhay Ngayon
Pebrero—Mga Kaloob Ng Banal Na Espiritu
Ang Espiritung Kaloob ng Diyos, 1 Pebrero
At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan Niya ng isa pang Mang-aaliw, upang makasama ninyo siya magpakailanman. Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan, sapagkat siya’y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya’y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo. ]Uan 14:16,17 BN 36.1
Noong kapanahunan ng mga Judio, ang impluwensya ng Espiritu ng Diyos ay makikita sa kaparaanang hindi mapagkakamalan subalit hindi sa kapuspusan. Sa loob ng mahabang panahon, ang mga panalangin ay inihandog para sa kaganapan ng pangako ng Diyos na ibigay ang Kanyang Espiritu, at walang iisa sa mga masidhing panalangin na ito ang nakaligtaan. BN 36.2
Niloob ni Cristo na, noong Siya'y umakyat mula sa lupang ito, magbibigay Siya ng isang kaloob sa mga nanampalataya sa Kanya at sa mananampalataya pa lang. Anong kaloob ang maaari Niyang ibigay na magiging sapat na karangyaan upang matanyag ang Kanyang pagakyat sa trono ng pamamagitan? Kinakailangang maging katumbas ito ng Kanyang kadakilaan at pagiging hari. Napagpasiyahan Niyang ibigay ang Kanyang kinatawan, ang ikatlong persona ng Kadiyosan. Ang kaloob na ito'y hindi malalampasan. Ibibigay Niya ang lahat ng kaloob na nakapaloob sa isa. Kaya't ang Banal na Espiritu, iyong kapangyarihang nakapagpapanibago ng puso, nagbibigay liwanag, at nagpapabanal ang siyang magiging handog Niya.... Dumating itong may kapuspusan at kapangyarihan, na tila sa loob ng mahabang panahon, ito'y napipigil ngunit ngayon ay ibinubuhos sa iglesia.... BN 36.3
Ang mga mananampalataya ay muling nagbalik-loob. Nakiisa ang mga makasalanan sa mga Cristiano sa paghahanap ng mamahaling perlas.... Nakita ng bawat Cristiano sa kanyang kapatid ang banal na pagkakatulad ng kabutihan at pag-ibig. Isang interes ang nangibabaw. Isang pakay na lang ang pinag-uusapan. Ang bawat pulso ay tumitibok sa masiglang pagkakaisa. Ang tanging hangarin ng mga mananampalataya ay ang makita kung sino ang lubos na makapagpapahayag sa wangis ng karakter ni Cristo, kung sino ang makagagawa ng pinakamarami para sa pagpapalaganap ng Kanyang kaharian. BN 36.4
__________
Ang Banal na Espiritu ang pinakamahalagang kayamanan na maaaring matanggap ng sinuman. BN 36.5