Ang Aking Buhay Ngayon
Ikumpisal Ninyo ang Inyong mga Kasalanan sa Isa't Isa, 28 Enero
Kaya't ipahayag ninyo sa isa’t isa ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa’t isa upang kayo ay gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. Santiago 5:16 BN 32.1
Ako ay inatasang ilapit na may kasigasigan sa ating mga kasamahan ang pangangailangan ng relihiyon sa tahanan. Kinakailangan palagi ng isang mabuti at maasikasong pagsasaalang-alang sa bawat miyembro ng sambahayan. Bayaang ang lahat ng mga puso ay magkaisa sa banal na pagsamba sa araw at gabi. Sa oras ng pagsamba sa hapon, hayaang saliksikin ng bawat miyembro ng pamilya ang kanyang sariling puso. Dapat maituwid ang bawat nagawang kamalian. Kung sa loob ng isang araw, ang isa ay may nagawan ng mali o napagsalitaan ng hindi mabuti, hayaang ang may sala ay humingi ng pagpapatawad sa kanyang nasaktan. Madalas na ang mga hinanakit ay iniingatan sa damdamin at ang mga hindi pagkakaunawaan at pasakit ay nabubuo na hindi nararapat. Kung ang isang pinag-iisipang gumawa ng kamalian ay bibigyan ng pagkakataon, maaari siyang makapagpaliwanag para gumaan ang kalooban sa iba pang kaanib ng pamilya. BN 32.2
“Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa,” upang kayo'y mapagaling sa lahat ng mga karamdamang espirituwal, upang ang mga pag-iisip na masama ay mabago. Masikap kayong gumawa para sa walang-hanggan. Manalangin kayong marubdob sa Panginoon at maging matibay sa pananampalataya. Huwag kayong magtiwala sa laman, kundi hayagang umasa sa gabay ng Panginoon. Ang bawat isa ay nararapat na magsabi, “Para sa akin, ako'y hihiwalay sa sanlibutan. Ako'y maglilingkod sa Panginoon nang buong puso.”... BN 32.3
Ipapakita ng Diyos ang Kanyang mapagmahal na pagtingin sa kanilang tumutupad sa Kanyang mga utos. Ang Salita, ang buhay na Salita, ay magiging samyo ng buhay tungo sa buhay. Ang pagtanggap ng katotohanan ay babago at lilinis sa makasalanang puso. BN 32.4
Ang gawaing ito ng pansariling pagdadalisay ng karakter ay hindi ligtas na ibimbin. . . . May kasamang pagsisisi at pananalangin kang manindigan na ikaw ay ganap na sa Diyos mula ngayon at magpakailanpaman Hindi natin maaatim na iantala ang gawain na ito ng pagsisisi at pagpapakumbaba ng kaluluwa, upang ang ating mga handog ay maging katanggap-tanggap sa Diyos. Ang puspos na kaligayahan ay matatagpuan sa pagsuko ng lahat sa Diyos. BN 32.5