Ang Aking Buhay Ngayon
Yumukod sa Harapan ng Diyos, 27 Enero
Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo. Santiago 4:10 BN 31.1
Kung mayroong panahon'na ang bawat tahanan ay dapat maging tahanan ng panalangin, ito'y ang kasalukuyan. Ang kawalan ng katapatan at ang pag-aalinlangan ay nangingibabaw. Ang katiwalian ay umaagos sa mga mahahalagang lagusan papasok sa kaluluwa, at ang paglaban sa Diyos ay kumalat na sa buhay. Naalipin ng kasalanan, ang mga kapangyarihang moral ay napasa ilalim ng paniniil ni Satanas. Ang kaluluwa ay napaglalaruan ng panunukso, at malibang ang isang makapangyarihang bisig ay umunat upang siya'y iligtas, ang katauhan ay magtutungo kung saan nangunguna ang kaaway. BN 31.2
Ngunit sa kapanahimang ito ng nakagigimbal na panganib, ang ilan na nag-aangking Cristiano ay hindi nagtataguyod ng panalangin sa pamilya.... BN 31.3
Ang kaisipan na ang panalangin ay hindi kinakailangan ay isa sa mga pinakamatagumpay na pakana ni Satanas upang sirain ang mga kaluluwa. Ang panalangin ay pakikipagniig sa Diyos, ang bukal ng karunungan, ang pinagmumulan ng kalakasan at kapayapaan at kasiyahan. Nanalangin si Jesus sa Ama “na may malakas na pagtangis at pagluha.”.. .”Ipanalangin ninyo ang isa't isa,” sinasabi ni Santiago, “ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.” BN 31.4
Sa pamamagitan ng taos-puso at marubdob na panalangin ang mga magulang ay dapat na gumawa ng bakod sa palibot ng kanilang mga anak. Dapat silang manalangin na may buong pagtitiwala na ang Diyos ay mananahan sa kanila, at babantayan sila at ang kanilang mga anak ng mga banal na anghel mula sa malupit na kapangyarihan ni Satanas.... BN 31.5
Naaangkop na tipunin ng mga magulang ang kanilang mga anak bago mag-agahan at ituro sila sa Ama sa langit na masaganang nagbibigay sa kanila ng mga kayamanan ng Kanyang kabutihangloob. Napakabuti para sa kanilang pasalamatan Siya dahil sa Kanyang pag-iingat sa gabi at humingi ng Kanyang tulong at biyaya at ng pagbabantay ng Kanyang mga anghel sa buong araw! Napakabuti ring magtipong muli pagdating ng gabi sa Kanyang harapan at purihin Siya para sa kahabagan at biyaya sa buong araw na nakalipas! BN 31.6