Ang Aking Buhay Ngayon
Makatatagpo Ko ang Aking Bantay na Anghel, 29 Disyembre
Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagkat sinasabi Ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng Aking Ama na nasa langit. Mateo 18:10 BN 276.1
Hangga 't hindi nakikita ang mga kabutihan ng Diyos sa liwanag ng walang hanggan, hindi natin mawawatasan ang utang natin sa pag-iingat at pamamagitan ng Kanyang mga anghel. Nagkaroon ng malaking bahagi ang mga nilalang sa langit sa mga gawain ng sangkatauhan. Nagpakita sila sa mga kasuotang nagliliwanag gaya ng kidlat; dumating sila bilang mga tao, sa anyo ng mga manlalakbay. Tumanggap sila ng pagpapatuloy sa mga tahanan ng mga tao; kumilos sila bilang mga gabay sa mga naglalakbay sa kadiliman. Sinaway nila ang mga layunin ng maninira, at pinigil ang mga hampas ng kaaway. BN 276.2
Bagaman hindi napag-aalaman ng mga namamahala ng mundong ito, ngunit madalas na naging mga tagapagsalita ang mga anghel sa kanilang mga konsilyo. Nakita sila ng mga mata ng mga tao. Nakining ang mga tainga ng mga tao sa kanilang mga pagsusumamo. Sa bulwagan ng konsilyo at sa hukuman, nagsumamo ang mga makalangit na sugo para sa mga inuusig at mga naaapi. Ginapi nila ang mga layunin at pinatigil ang mga kasamaang sana ay nagdala ng kamalian at paghihirap sa mga anak ng Diyos. . . . BN 276.3
Mauunawaan ng bawat isang natubos ang tungkol sa ministeryo ng mga anghel sa kanyang sariling buhay. Ang anghel na kanyang naging bantay mula sa pinakauna niyang sandali; ang anghel na nagbantay ng kanyang mga hakbang, at tumakip sa kanyang ulo sa araw ng panganib; ang anghel na kaniyang kasama sa libis ng anino ng kamatayan; na tumanda sa lugar ng kanyang kapahingahan, na siyang unang bumati sa kanya noong umaga ng pagkabuhay na mag-uli—gaano kagandang makipag-usap sa kanya, at matutuhan ang kasaysayan ng banal na pamamagitan sa buhay ng tao, ng pakikipagtulungan ng kalangitan sa bawat gawain ng katauhan! BN 276.4
Magiging malinaw ang lahat ng mga kagulumihanang naranasan sa buhay. Samantalang ang nakakakita lamang natin ngayon ay kaguluhan at kabiguan, mga nasirang pangako at mga panukalang hindi natupad, makikita natin doon ang isang dakila, nangingibabaw at matagumpay na layunin, isang banal na kaayusan. BN 276.5