Ang Aking Buhay Ngayon
Pag-aralan ang Karunungan ng Diyos sa Buong Walang Hanggan, 22 Disyembre
Upang ipagkaloob sayo ng Dios ng ating Panginoon Jesu-Cristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag ng pagkakilala sa Kanya; Yamang naliwanagan ang mga mata ng iyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng Kanyang pamana sa mga banal. Efeso 1:17,18 BN 269.1
Ang siyensya ng pagtubos ay siyang siyensya ng lahat ng mga siyensya, ang siyensya na siyang pag-aaral ng mga anghel at ng lahat ng mga kaisipan ng mga sanlibutang hindi nagkasala, ang siyensya na siyang kumukuha ng pansin ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ang siyensya na siyang pumapasok sa layunin na isinilang sa isip ng Walang kamatayan—“iningatang tahimik sa loob ng walang hanggang mga kapanahunan” ang siyensya na siyang magiging pag-aaral ng mga tinubos ng Diyos sa lahat ng mga kapanahunang walang hanggan. Ito ang pinakamataas na pag-aaral na maaaring isagawa ng tao. Magpapabilis ito sa pag-iisip at mag-aangat sa kaluluwa sa antas na hindi maaabot ng anomang ibang pag-aaral. BN 269.2
Ninanais ng mga anghel pag-aralan ang tema ng pagtubos. Ito ang magiging siyensya at awitin ng mga natubos sa loob ng walang hanggang mga kapanahunan. Hindi ba ito karapat-dapat sa maingat na pag-iisip at pag-aaral ngayon? ... BN 269.3
Hindi lubusang maaarok ang paksang ito. Ang pag-aaral tungkol sa pagkakatawang tao ni Cristo, ang Kanyang sakripisyong tumutubos at gawaing pamamagitan ay magiging kaabalahan ng pag-iisip ng masipag na mag-aaral hanggang sa mayroon pang panahon; at sa pagtingin sa langit na may hindi mabilang na mga taon, sasabihin niyang, “Dakila ang hiwaga ng kabanalan.” BN 269.4
Sa walang hanggan natin matututuhan ang mga bagay, kung natanggap lamang natin ang liwanag na maaaring makamit dito, na magbubukas sana sa ating pang-unawa. Ang mga tema ng pagtubos ay magiging kaabalahan ng mga puso at mga isipan at mga pananalita ng mga natubos sa loob ng walang hanggang kapanahunan. Mauunawaan nila ang mga katotohanang nagnasang buksan ni Cristo sa Kanyang mga alagad, ngunit nabigo silang mahagip. Kailan at kailan pa man mailalahad ang mga bagong pananaw ng kasakdalan at kaluwalhatian ni Cristo. Sa loob ng walang hanggang mga kapanahunan ang tapat na Pinuno ng sambahayan ay maglalabas ng Kanyang mga kayamanan ng mga bagay na bago at luma. BN 269.5
Dahil walang hanggan ang Diyos, at naroon sa Kanya ang lahat ng kayamanan ng kaalaman, maaari tayong manatiling laging nagsasaliksik, laging natututo, ngunit hindi mauubos ang mga kayamanan ng Kanyang kaalaman, ng Kanyang kabutihan, o ng Kanyang kapangyarihan. BN 269.6