Ang Aking Buhay Ngayon
Bilang mga Tagapagmana, Ating Mamanahin ang Kaharian,13 Disyembre
Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa Kanyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat ng itatag ang sanglibutan. Mateo 25:34 BN 260.1
Nasa harapan ng tinubos na karamihan ang banal na lunsod. Binubuksan ni Jesus ang mga pintuang perlas, at pumapasok ang mga bansang nag-ingat sa katotohanan. Makikita nila doon ang Paraiso ng Diyos, ang tahanan ni Adan sa kanyang pagkainosente. Pagkatapos ay maririnig ang tinig na iyon, na higit na maganda kaysa anomang musikang narinig ng katauhan, na nagsasabing, “Ang inyong pakikipagpunyagi ay nagwakas na.” “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.” BN 260.2
Natupad na ngayon ang panalangin ng Tagapagligtas para sa Kanyang mga alagad na, “yaong mga ibinigay Mo sa Akin ay ibig Kong kung saan Ako naroon, sila naman ay dumoong kasama Ko.” “Walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng Kanyang kaluwalhatian” inihaharap ni Cristo sa Kanyang Ama ang mga nabili ng Kanyang dugo, na nagsasabing, “Narito Ako at ang mga anak na ibinigay Mo sa Akin” “iningatan Ko sila . . . yaong mga ibinigay Mo sa Akin.” O, ang kamanghaan ng pag-ibig na tumutubos! Ang kasiyahan sa oras na iyon kung kailan ang walang hanggang Ama, sa pagtanaw sa mga natubos, ay makikita ang sarili Niyang wangis, pinalayas ang kasalanan, naiwaksi ang pinsala nito, muling naging kaisa sa Diyos ang sangkatauhan! BN 260.3
At kung magkagayon tatanggapin ang mga natubos sa tahanang inihanda ni Jesus para sa kanila. . . . Makikisama sila sa kanilang nagtagumpay kay Satanas at bumuo sa pamamagitan ng banal na biyaya ng mga karakter na walang kapintasan. Ang bawat makasalanang hilig, ang bawat kasiraang gumagambala sa kanila dito ay naalis ng dugo ni Cristo, at ng kagandahan at kaliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian, na higit pa sa kaliwanagan ng araw ay nabigay sa kanila. At ang kagandahang moral, ang kaganapan ng Kanyang karakter, ay nagliliwanag sa pamamagitan nilang may higit pang halaga kaysa anomang panlabas na kagandahan. Wala silang dungis sa harapan ng dakilang luklukang puti, na nakikibahagi sa karangalan at sa mga karapatan ng mga anghel. BN 260.4