Ang Aking Buhay Ngayon

254/275

Binigyan ng Puting Kasuotan ng Katuwiran, 10 Disyembre

Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang damit, at pinaputi sa dugo ng Kordero. Apocalipsis 7:14 BN 257.1

Magiging maluwalhati ang gantimpalang ibibigay kapag nagtipon ang mga tapat na mga manggagawa sa palibot ng luklukan ng Diyos at ng Kordero. . . . Tatayo sila sa harapan ng luklukan, na tinanggap ng Minamahal. Nabura na ang lahat ng kanilang mga kasalanan, napawi na ang lahat ng kanilang pagsalangsang. Ngayon maaari na silang tumingin sa hindi nalalambungang kaluwalhatian ng luklukan ng Diyos. . . . Sa araw na iyon magniningning sa kaluwalhatian ang mga natubos ng Ama at ng Kanyang Anak. Ang mga anghel, habang pinatutunog ang kanilang mga gintong alpa, ay tatanggap sa Hari, at silang mga tanda ng Kanyang tagumpay—silang nahugasan at pinaputi sa dugo ng Kordero. BN 257.2

Ang lahat ay magiging isang masaya at nagkakaisang sambahayan, na nabihisan ng mga kasuotan ng papuri at pagpapasalamat—ang kasuotan ng katuwiran ni Cristo. Maghahandog ang buong kalikasan sa lubos na kagandahan nito sa Diyos ng patuloy na handog ng papuri at pagsamba. Malilipos ang sanlibutan ng liwanag ng kalangitan. Kikilos ang mga taon sa katuwaan. Magiging kagaya ng liwanag ng araw ang liwanag ng buwan, at magiging pitong beses ang lakas ng liwanag ng araw kaysa kasalukuyan. Magkasamang aawit ang mga tala sa umaga sa ibabaw ng tanawin, at sisigaw sa kagalakan ang mga anak ng Diyos, habang magkakaisa ang Diyos at si Cristo sa paglalahad na, “Hindi na magkakaroon ng kasalanan, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.” ... BN 257.3

Natapos na ang tunggalian. Nagwakas na ang lahat ng kaguluhan at paghihirap. Mapupuno ng mga awit ng tagumpay ang buong kalangitan habang tumatayo ang mga natubos sa palibot ng luklukan ng Diyos. Ang lahat ay masayang sumali sa masayang awitin na, “Karapat-dapat ang Korderong pinatay, at muling nabubuhay, na isang dakilang mananagumpay.” BN 257.4

“Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawat bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay. At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Diyos na nakaupo sa luklukan at sa Kordero.” BN 257.5