Ang Aking Buhay Ngayon
Bibigyan Ako ni Cristo ng Isang Korona at Isang Alpa, 9 Disyembre
Buhat ngayon ay nalalaan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa Kanyang pagpapakita. 2 Timoteo 4:8 BN 256.1
Bago pumasok sa lunsod ng Diyos, ibibigay ni Cristo sa Kanyang mga tagasunod ang mga sagisag ng tagumpay at lalagyan sila ng tanda ng kanilang maringal na kalagayan. Ang nagniningning na hanay ay nasa hugis ng isang may guwang na parisukat palibot sa kanilang Hari, na may kaanyuang nakaangat sa karilagan na higit pa kaysa isang banal o anghel. Sumisilay sa kanila ang Kanyang mukha ng mga sinag na puno ng mapagpalang pag-ibig. Sa buong hindi mabilang na karamihan ng mga natubos ay nakatuon ang bawat paningin sa Kanya, tumutunghay ang bawat mata sa Kanyang kaluwalhatian na “ang Kanyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalaki, at ang Kanyang anyo ay higit na kumatuwa kaysa mga anak ng mga tao.” Inilalagay ni Jesus sa ulo ng mga nagtagumpay sa pamamagitan ng sarili Niyang mga kamay ang korona ng kaluwalhatian. Para sa bawat isa ay may korona, na nagtataglay ng sarili niyang “bagong pangalan” at ang tatak na “Banal sa Panginoon.” Nalagay sa bawat kamay ang palma ng mananagumpay at ang nagniningning na alpa. BN 256.2
At pagkatapos nito, habang pinapatunog ang nota ng mga pangulong anghel, humahagod na may kagalingan ang bawat kamay sa mga kwerdas ng alpa, na ginigising ang matamis na musika sa mga tunog na mayaman at malamyos. Pumupuno sa bawat puso ang hindi mabigkas na kaligayahan, at itinataas ang bawat tinig sa mapagpasalamat na papuri: “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo at ginawa tayong kaharian ng mga saserdote sa Kanyang Diyos at Ama; sumakanya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan kailan man.” BN 256.3
Oh, anong kasiyahang hindi mabigkas, ang makita Siyang ating inibig—ang makita Siya sa Kanyang kaluwalhatian na umibig sa atin nang lubos na anupa 't ibinigay Niya ang Kanyang sarili para sa atin—ang makita ang mga kamay na iyon na dati ay nabutas para sa ating pagkatubos ngunit nakaunat ngayon sa atin sa pagpapala at pagtanggap! BN 256.4
Silang . . . naglagay ng kanilang sarili sa mga kamay ng Diyos . . . ay makikita ang Hari sa Kanyang kagandahan. Mamamasdan nila ang Kanyang karilagang walang katulad, at sa paghaplos sa kanilang gintong alpa, ay pupunuin nila ang buong kalangitan ng mayamang musika at ng mga awit para sa Kordero. BN 256.5