Ang Aking Buhay Ngayon

251/275

Si Cristo Mismo ang Darating Para sa Atin, 7 Disyembre

Sapagka 't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na mag-uli; Kung magkagayon, tayong mga nangabubuhay, na nangatira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man. Kaya 't mangag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito. 1 Tesaloniea 4:16-18 BN 254.1

Si Jesus ay darating, darating na may mga ulap at dakilang kaluwalhatian. Sasama sa Kanya ang lubhang karamihan ng mga nagniningning na mga anghel. Darating siya upang parangalan silang umibig sa Kanya at nag-ingat sa Kanyang mga utos, at upang dalhin sila sa Kanyang sarili. Hindi Niya kinalimutan sila pati ang Kanyang pangako. BN 254.2

May lumalabas sa silangan na isang maliit na itim na ulap. . . . Alam ng bayan ng Diyos na ito ang tanda ng Anak ng tao. Sa taimtim na katahimikan sila ay tumatanaw dito habang ito'y papalapit sa lupa, . . . hanggang sa ito'y maging isang dakilang puting ulap, ang ilalim nito ay kaluwalhatiang gaya ng nagniningas na apoy, at sa itaas nito ay bahaghari ng tipan. Dumarating si Jesus bilang isang makapangyarihang mananakop. .. . BN 254.3

Habang papalapit ang nabubuhay na ulap, namamasdan ng bawat paningin ang Prinsipe ng buhay. Ngayon ay walang koronang tinik na sumusugat sa Kanyang banal na ulo, bagkus isang putong ng kaluwalhatian ang nakapatong sa Kanyang banal na noo. Ang Kanyang mukha ay higit na maliwanag kaysa nakasisilaw na kaliwanagan ng araw sa katanghalian. “At Siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa Kanyang damit at sa Kanyang hita, Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga panginoon.” . . . Ang mga kalangitan ay narolyong gaya ng isang balumbon, ang buong lupain ay nanginginig sa Kanyang harapan, at ang bawat bundok at isla ay naalis sa kanyang lugar. . . . BN 254.4

Sa gitna ng sumusuray na lupain, ng pagkidlat, at ng dagundong ng kulog, ang tinig ng Anak ng Diyos ay tumatawag sa Kanyang mga natutulog na mga banal. . . . Sa buong kahabaan at kalaparan ng lupa ang mga patay ay makaririnig sa Kanyang tinig, at silang makaririnig ay mabubuhay. . . . Bumabangon ang lahat na may kasariwaan at kalakasan ng walang Hanggang kabataan. ... BN 254.5

Nabago ang mga nabubuhay na mga matuwid “sa isang sandali, sa isang kisapmata.” Sa tinig ng Diyos naluwalhati sila; ngayon ginawa silang imortal, at tinangay pataas kasama ng mga binuhay na mga banal upang salubungin ang kanilang Panginoon sa hangin. O, anong luwalhating pagkikita! BN 254.6