Ang Aking Buhay Ngayon

244/275

Para sa Akin ang mga Pangako ng Diyos, 30 Nobyembre

Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal Niya, at mangagpasalamat kayo sa Kanyang banal na pangalan. Sapagka 't ang Kanyang galit ay sandali lamang; Ang Kanyang paglingap ay habang buhay: ang pag-iyak ay magtatagal ng magdamag, nguni 't ang kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan. Awit 30:4-5 BN 247.1

Ang pag-alis ng mga pangako ng Diyos mula sa Kanyang Salita ay magiging katulad ng pag-alis sa araw mula sa kalangitan. Mawawalan tayo ng bagay na magpapaligaya sa ating karanasan. Inilagay ng Diyos ang mga pangako sa Kanyang Salita upang pangunahan tayong manampalataya sa Kanya. Sa mga pangakong ito, hinahawi Niya ang lambong mula sa walang hanggan, na binibigyan tayo ng sulyap sa higit na dakila at walang hanggang bigat ng kaluwalhatiang naghihintay sa mananagumpay. Kaya magtiwala tayo sa Diyos. Purihin natin Siya dahil sa pagbibigay sa atin ng ganitong kaluwalhating kapahayagan ng Kanyang mga layunin. BN 247.2

Sa bawat hakbang sa ating daan, naglalagay ang Diyos ng mga bulaklak ng pangako upang pabutihin ang ating landas. Ngunit marami ang umaayaw na tipunin ang mga bulaklak na ito, na mas pinipili pa ang mga tinik at dawag. Sa bawat hakbang sila ay tumatangis at nalulumbay, samantalang maaari naman silang magalak sa Panginoon dahil ginawa Niyang kalugud-lugod ang daan patungo sa langit. BN 247.3

Habang tinutunghayan natin ang mga pangako ng Diyos, nakahahanap tayo ng kaaliwan, pag-asa, at kasiyahan, dahil binabanggit nila sa atin ang mga salita Niyang walang hanggan. Ang maayos na pagtuos sa mga mahahalagang pangakong ito ay sa pamamagitan ng maingat na pag-aaral sa kanila, na sinusuri ang bawat detalye. Anong kasiyahan ang madadala natin sa buhay, anong kabutihan sa ating karakter, kung ating aangkinin ang mga pangakong ito! Habang naglalakbay tayo sa pataas na landas, mangusap ng mga pagpapalang nakakalat sa daan. Habang inisip natin ang mga mansyong inihanda ni Cristo para sa atin, makalilimutan natin ang mga maliliit na kayamutang ating nakahaharap sa araw-araw. Tila ating nalalanghap ang hangin ng makalangit na bayan na ating patutunguhan, at tayo ay naaalwanan at naaaliw. . . . Parangalan natin ang Diyos sa pamamagitan ng higit pang paghahabi ng mga bagay na tungkol kay Jesus at sa kalangitan sa ating mga buhay. BN 247.4

Ang hindi nabibigong mga pangako ng Diyos ay magpapanatili sa inyong puso sa ganap na kapayapaan. BN 247.5