Ang Aking Buhay Ngayon

243/275

Wala ni Isa Mang Salita sa Kanyang Pangako ang Nabigo, 29 Nobyembre

Purihin ang Panginoon na nagbigay kapahingahan sa Kanyang bayang Israel, ayon sa lahat na kaniyang ipinangako: walang nagkulang na isang salita sa lahat Niyang mabuting pangako, na Kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na Kanyang lingkod. 1 Hari 8:56 BN 246.1

Napaboran kaming matanaw ang pinakamagandang tanawin ng paglubog ng araw, na sa pagkakataong ito ko lamang makikita. Ang kagandahan nito ay hindi kayang ilarawan ng salita. Ang huling mga sinag ng lumulubog na araw, pilak at ginto, lila, dilaw, at pula, ay naglagak ng kanilang luwalhati sa kalangitang papaliwanag nang papaliwanag, at umaakyat pataas nang pataas sa kalangitan, hanggang tila naiwang nakabukas ang mga pintuan ng lunsod ng Diyos at sumisinag palabas ang mga sinag ng kaluwalhatian sa loob. Sa loob ng dalawang oras nagpatuloy ang kamangha-manghang tanawin sa pagsinag sa malamig na hilagang kalangitan—isang larawang ipininta ng Dakilang Pintor sa pabago-bagong kanbas ng kalangitan. Tila gaya ng pagngiti ng Diyos, sa ibabaw ng lahat ng mga tahanan sa lupa, sa itaas ng mga mababatong kapatagan, ng mga malalakas na mga kabundukan, malulumbay na mga kakahuyan, na dadaanan ng aming paglalakbay. BN 246.2

Tila bumubulong ang mga anghel ng awa na, “Tumingin kayo sa itaas. Ang luwalhating ito'y banaag lamang ng liwanag na lumalabas mula sa luklukan ng Diyos. Huwag kayong mabuhay para sa sanlibutan lamang. Tumingin kayo sa itaas, at masdan sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga mansyon sa makalangit na tahanan.” Ang tanawing ito ay gaya ng bahaghari ng pangako kay Noe, na nagbibigay sa akin ng lakas na panghawakan ang kasiguruhan ng hindi nabibigong pag-aaruga ng Diyos at umasa sa kanlungan ng kapahingahang naghihintay sa tapat na manggagawa. Mula nang oras na iyon, nadama kong ibinigay sa atin ng Diyos ang tandang ito ng Kanyang pag-ibig para sa pagpapalakas ng ating mga kalooban. Habang nananatili pa ang aking alaala ay hindi ko malilimutan ang magandang tanawing iyon at ang ibinigay nitong kaaliwan at kapayapaan. BN 246.3

Imposible para sa kaninomang isipan ang maarok ang kayamanan at kadakilaan ng isa man sa mga pangako ng Diyos. Makukuha ng isa ang kaluwalhatian ng isang pananaw, at ang isa naman ay ang kagandahan at biyaya mula sa iba pang punto, at ang kaluluwa ay napupuno ng liwanag mula sa langit. BN 246.4

Siya sa pamamagitan ng mga ito ay nangungusap sa bawat isa sa atin. . . . Itinatalastas ni Cristo sa atin sa pamamagitan ng mga pangakong ang Kanyang biyaya at kapangyarihan. BN 246.5