Ang Aking Buhay Ngayon

240/275

Taglay ang Pag-ibig, 26 Nobyembre

Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pag- ibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. 1 Corinto 13:4 BN 243.1

Silang nagbubukas ng kanilang mga puso at mga tahanan upang anyayahan si Jesus na manahan kasama nila ay dapat mag-ingat na hindi nalalambungan ng kaguluhan, kapaitan, kagalitan, masamang palagay o maging ng hindi maingat na pananalita ang kanilang kapaligirang moral. Hindi mananatili si Jesus sa tahanang mayroong kagalitan, pag-iimbot, at kapaitan. ... BN 243.2

Si Pablo ay nagkaroon ng malusog na karanasang relihiyoso. Ang pag-ibig ni Cristo ay siyang dakilang paksa at kapangyarihang namamahala sa kanya. BN 243.3

Noong nasa gitna ng mga kalagayang nagpapahina ng kalooban, na sana ay makasisira sa mga Cristianong hindi masyadong luto, nananatili siyang matibay sa puso, na puno ng katapangan at pag-asa at kasiyahan, na nagsasabing, “Mangagalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Mangagalak kayo.” Nakikita ang kaparehas na pag-asa at kagalakan kapag nasa palapag siya ng bapor, habang bumabayo ang bagyo sa kanyang paligid, at nasisira ang barko. Siya ang nagbibigay ng utos sa kapitan ng barko at nag-iingat ng buhay ng lahat nang narito. Bagaman isa siyang bihag, sa katunayan siya ang kapitan ng barko, ang pinakamalaya at pinakamaligayang taong nakasakay doon. Nang lumubog ang barko at napadpad sa isang islang walang-kabihasnan, siya ang naging pinakamahinahon at pinakamatulungin sa pagliligtas sa kanyang mga kapwa mula sa pagkalunod. Siya ang nagdala ng kahoy na paningas sa apoy para sa kapakinabangan ng mga giniginaw na mga pasahero ng lumubog na barko. Nang makita nila ang makamandag na ahas na kumapit sa kanyang kamay, napuno sila ng takot; ngunit mahinahong iwinagwag ito sa apoy na nalalamang hindi siya masasaktan nito; dahil tahas siyang nagtitiwala sa Diyos. BN 243.4

Nang humarap siya sa mga hari at mga kaginoohan ng sanlibutan na hawak sa kanilang mga kamay ang kanyang buhay, hindi siya naduwag; sapagkat ibinigay na niya ang kanyang buhay sa Diyos. . . . Ang biyaya, na gaya ng isang anghel ng kahabagan, ay ginawang malambing at malinaw ang kanyang tinig, na nagsaysay sa pangyayari sa krus, ang hindi matutumbasang pag-ibig ni Jesus. BN 243.5

Ang mga ahensya ng pag-ibig ay may kamangha-manghang kapangyarihan, sapagkat ang mga ito ay banal. BN 243.6