Ang Aking Buhay Ngayon
Ang Paghahayag ng Pagpapasalamat ni Jeremias, 19 Nobyembre
Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka 't ang Kanyang mga habag ay hindi nauubos. Ang mga yao'y tuwing umaga, dakila ang Iyong pagtatapat. Panaghoy 3:22-23 BN 236.1
Pinalalakas araw-araw ang tapat na propeta upang makapanindigan. “Ngunit ang Panginoon ay sumasaakin na parang makapangyarihan at kakilakilabot,” binigkas niyang may pananampalataya;“kaya 't ang mga mang-uusig sa akin ay mangatitisod, at sila'y hindi mangananaig; sila'lubhang mangapapahiya, sapagkat sila'y hindi nagsisigawang may karunungan, ng walang hanggang kapintasan na hindi malilimutan.” “Kayo'y magsiawit sa Panginoon, magsipuri kayo sa Panginoon; sapagkat Kanyang iniligtas ang kaluluwa ng mapagkailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan” Ang mga karanasang dinaanan ni Jeremias sa mga araw ng kanyang kabataan at gayundin sa mga huling taon ng kanyang ministeryo ay nagturo sa kanya ng aral na “ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili; wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.” Natuto siyang manalangin ng “Oh Panginoon, sawayin Mo ako, ngunit sa pamamagitan ng kahatulan, huwag sa Iyong galit, baka ako'y iuwi Mo sa wala.” BN 236.2
Noong tawagin siya upang uminom sa saro ng paghihirap at kalumbayan, at noong tinukso sa kanyang kahirapan ay sinabi niyang, “Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pag-asa sa Panginoon,” naalala niya ang mga kabutihan ng Diyos para sa kanya, at matagumpay na sinabing, “Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagkat ang Kanyang mga habag ay hindi nauubos. Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang Iyong pagtatapat.” BN 236.3
Marami ang mga nag-aangking mga Cristiano na labis na binibigyang pansin ang madilim na bahagi ng buhay, samantalang maaari naman silang matuwa sa kaliwanagan; nalulumbay sila samantalang dapat silang malugod; bumabanggit sila ng mga kahirapan samantalang dapat silang magbigay ng pagpupuri para sa mayamang mga biyayang kanilang tinatangkilik. Tumitingin sila sa hindi kaaya-ayang mga bagay, nagtitipon ng kabiguan, at humihikbi sa mga kalumbayan, at bunga nito, sila ay nabigatang kalooban at naging malungkot, kung kailan dapat nilang bilangin ang kanilang mga pagpapala, makikita nila ang mga itong napakarami na anupa 't kanilang malilimutang banggitin ang kanilang mga kahirapan. Kung araw-araw nilang bibigyang pansin ang mga kabutihang ginagawa para sa kanila; kung pagtitipunan nila ang kanilang mga isipan ng mga mahahalagang mga alaala ng mga kabaitang tinanggap, anupa 't napakarami nilang makikitang pagkakataon upang magpasalamat at magbigay papuri sa Tagapagbigay ng lahat ng kabutihan. BN 236.4