Ang Aking Buhay Ngayon

230/275

Dinaig ni Cristo ang Sanlibutan, 16 Nobyembre

Ang mga bagay na ito ay sinalita Ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa Akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian; ngunit lakasan ninyo ang inyong loob; Aking dinaig ang sanglibutan. Juan 16:33 BN 233.1

Nang isasagawa na ang mga huling hakbang ng paghamak kay Cristo, nang pumapalibot na ang pinakamalalim na kalumbayan sa Kanyang kaluluwa, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na, “sapagkat dumarating ang prinsipe ng sanglibutan.” BN 233.2

“Sapagkat ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na.” Siya ngayon ay palalayasin. Taglay ang pananaw ng isang propeta, binakas ni Cristo ang mga huling pangyayaring magaganap sa Kanyang dakilang huling pakikipagpunyagi. Nalalaman Niyang kapag bibigkasin Niya ang “Naganap na,” magtatagumpay ang buong kalangitan. Nasagap ng Kanyang pandinig ang malayong musika at mga sigaw ng pagtatagumpay sa mga bulwagan sa kalangitan. Alam Niyang patutunugin ang hudyat ng pagbagsak ng imperyo ni Satanas, at itatanyag ang pangalan ni Cristo sa lahat ng sanlibutan sa buong sansinukob. BN 233.3

Nagalak si Cristo na may higit Siyang magagawa para sa Kanyang mga tagasunod kaysa maaari nilang hingin o isipin. Nagsalita Siyang may katiyakan, na nalalamang naibigay na ang makapangyarihang kautusan bago pa man lalangin ang sanlibutan. Alam Niyang ang katotohanan, taglay ang lakas ng Banal na Espiritu, ay mananagumpay sa pakikipaglaban sa kasamaan; at iwawagayway ang bandilang nabahiran ng dugo sa pagtatagumpay sa ibabaw ng Kanyang mga tagasunod. Alam Niyang magiging katulad ng sa Kanya ang buhay ng mga nagtitiwala Niyang mga alagad, sunud-sunod na pagtatagumpay, na hindi nakikita dito, ngunit kinikilala sa walang hanggan BN 233.4

“Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit laksan ninyo ang loob; Aking dinaig ang sanglibutan.” Hindi nabigo si Cristo, hindi rin Siya pinanghinaan ng loob, at magpapakita ang Kanyang mga tagasunod ng pananampalatayang may gayunding nananatiling likas. . . . Bagaman nakahambalang ang mga tila hindi malalagpasang mga kahirapan sa kanilang daan, magpapatuloy sila sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. . . . Dapat silang magkaroon ng kapangyarihang tanggihan ang kasamaan, kapangyarihang maging ang sanlibutan, ni ang kamatayan, ni ang impyerno man ay hindi magagapi, kapangyarihang magbibigay sa kanila ng kalakasang magtagumpay kung paanong nagtagumpay si Cristo. BN 233.5

Nanginginig at tumatakas si Satanas sa harap ng pinakamahinang kaluluwang nakahahanap ng kanlungan sa makapangyarihang pangalang iyon. BN 233.6